VIRAC, CATANDUANES – Umaabot sa kabuuang 4,920.49 ektarya ng plantasyon ng Abaca sa buong lalawigan ng Catanduanes ang kinumpirma na apektado ng Bunchy Top virus.

            Ito ay batay sa report na inilabas ng   ng Philippine Fiber Development Authority (PhilFIDA) sa lalawigan ng Catanduanes.

            Sa datos ng ahensya, mula sa halos 32,000 hectares total abaca area sa buong lalawigan, ngunit sa kasalukuyan, mahigit na lamang 25,000 hectares ang aktuwal na mayroong tanim na abaca. Mula sa 25,000 hectares ng plantasyon ng abaca, nakita ang pananalasa ng virus kung saan apektado ang halos limang libong ektarya.

            Maliban dito, binanggit din ng PhilFIDA sa kanilang report ang obserbasyong 21 porsiyento  o mahigit 6,000 hectares mula sa 32,000 hectares total abaca area ang maari umanong tuluyan nang na wipe out ng nasabing sakit.

            Ang bayan ng Caramoran ang may pinakamalalang Disease Incidence (DI) na umaabot sa 40% o kaya’y 1,787.89 hectares ang apektado mula sa 4,467.63 hectares total abaca area. Sumunod ay ang bayan ng Viga kung saan 30% na rin ng plantasyon ng abaca doon ang apektado na may kabuuang 1,082.4 hectares. Sa San Miguel, 757 ektarya na ang apektado ng virus o kaya’y 16% ng kabuuang 4,731.27 hectares. Sa mga bayan ng Gigmoto, Baras at Pandan, umaabot na rin sa 15% ng kanilang abaca farm ang apektado ng virus; 221.5 hectares sa Gigmoto, 331.86 hectares sa Baras at 245.43 hectares naman mula sa Pandan.

            Sa bayan ng Panganiban, 10% ng kanilang sakahan ng abaca ang sira o kabuuang 59.89 hectares. Ang Virac ay may kabuuang 2,162 hectares ng abaca area ngunit 9% or 194.5 hectares ditto ang tinamaan din ng nasabing virus. Sa San Andres, 115.5 hectares ang apektado o kaya’y 7% ng kanilang 1,650.95 abaca area. At sa mga bayan ng Bagamanoc at Bato, 5% ng kanilang mga taniman ang apektado; 28.5 hectares sa Bagamanoc at 81.9 hectares naman mula sa Bato.

            Kaugnay nito, apektado ang may kabuuang 13,480 abaca farmers sa buong lalawigan. Nangangamba silang baka tuluyang maglaho ang ipinagmamalaking produkto ng Catanduanes dahil sa naturang virus. Sa privilege speech ni PBM Rafael Zuniega noong mga nakaraang Session ng Sangguniang Panmlalawigan, hinimok niya ang mga ahensya ng pamahalaan na maglaan ng 100 milyon para sa rehabilitasyon ng abaca sa Catanduanes.            

Batay sa pinakahuling assessment, sinasabing umaabot na sa mahigit 7.8 milyong kilo ng abaca fiber ang nawawala na nagkakahalaga ng mahigit kalahating bilyong piso (P535,349,575.00).

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.