VIRAC, CATANDUANES – Sa pamamagitan ng isang privilege speech sa session ng Sangguniang Panlalawigan, hinimok ni Board Member Natalio Popa, Jr ang mga hepe ng iba’t-ibang pagamutan sa lalawigan na disiplinahin at warningan ang mga nasasakupang duktor dahil sa umano’y kapabayaan sa mga pasyente.

Ayon kay PBM Popa, marami umano siyang natatanggap na sumbong na may mga duktor, lalo na yong naka-duty tuwing gabi, ang hindi umano agad na nakakaresponde sa mga pasyente lalo na iyong mga nangangailangan ng emergency treatment. May mga pagkakataon umano na dahil sa kapabayaan ng ilang duktor, nagiging malala umano ang sakit ng mga pasyente kung hindi man namamatay.

“Kapag hinahanap ng mga kaanak ng pasyente kung nasaan ang duktor, sumasagot ang mga nurses na si Doc ay tulog o kaya’y umiikot,”  bahagi ng talumpati ni Popa.

Bagaman hindi binanggit ni Popa kung sinu-sino ang mga duktor o kung alin-aling pagamutan ang may mga duktor na merong ganitong gawe, tiniyak niyang hindi lamang umano iisang hospital ang paksa ng kanyang pagsisiwalat.

Panawagan ni Popa sa mga hepe ng hospital na matulungan ang mga duktor na magkaroon ng malasakit at mapaunlad pa ang kanilang pagsi-serbisyo sa mga may sakit.Kaugnay nito, naglabas ng imbitasyon ang Sangguniang Panlalawigan para sa mga Chiefs of Hospital para sa isasagawang imbestigasyon.

Advertisement