BATO, CATANDUANES – Sa pamamagitan ng isang resolusyon ng FICELCO Board na, kinansela ang disconnection para sa mga member-consumers na hindi makakabayad para ng kanilang konsumo sa kuryente para sa December due date.
Sa PDRRMC meeting, sinabi ni FICELCO General Manager Engr. Raul Zafe, ang nasabing hakbang ng koop ay bilang pakikiisa, pagmamalasakit at konsiderasyon para sa mga sinalanta ng bagyo.
Magugunitang due date para sa halos buong lalawigan ang kada unang linggo ng bawat buwan, ngunit ang due date para sa November bills ay tumama sa pananalasa ng bagyo kaya ayon kay Zafe, maaring gamitin muna para sa pangangailangan ng pamilya ang naitabi para sa bayad sa kuryente.
Maliban sa walang magiging disconnection, hindi rin umano maniningil ng penalty ang FICELCO.
Samantala, isang linggo ang palugit na hinihingi ng koop upang maibalik sa normal ang suplay ng kuryente sa buong munisipyo ng Virac, bagaman energized na ang ilang munisipyo lalo na ang hindi naman gaanong tinamaan ng bagyo. Samantalang 2-3 days bago mag-Pasko naman ang ipinangako ng FICELCO upang maibalik sa normal ang suplay ng kuryente sa buong lalawigan.Minimal damage ang iniulat na pinsala ng FICELCO. Kaunting poste lamang ng kuryente ang natumba ngunit maraming linya ang naputol nang bumagsak ang maraming puno ng kahoy.