Bato, Catanduanes – Puspusan ang isinasagawang energy restoration ng pamunuan ng FICELCO sa buong lalawigan ng Catanduanes.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko noong Disyembre 14, binigyang diin ni General Manager Raul Zafe na 100 percent ng restored ang kuryente sa mga poblacion ng labing isang bayan sa lalawigan noong pang Disyembre 10. Sa mga barangay umaabot na umano sa 75% at target umano nilang Disyembre 23 ay fully energized na ang buong lalawigan.
Sa initial na estimate, umaabot na mano sa humigit kumulang isang milyon ang naitalang pinsala kasali na ang kanilang mga poste at iba pang kagamitan.
Target ng pamunuan na sa Disyembre 23 lahat ay mapapailawan na ang buong lalawigan. Bagamat meron umanong offer si Congressman Hector Sanchez na makikipag-ugnayan sa MERALCO para sa augmentation force subalit pinasya umano nilang ibigay na ito sa ibang lalawigan lalo sa mga lalawigan ng Albay at Sorsogon na lubhang binayo ng bagyo at ditto rin nag-landfall si Tisoy.
Samantala, nilinaw nito na hanggang Disyembre 16 lamang umano ang ibinigay nilang palugit upang hindi maputulan ng kuryente ang mga konsumedor. Hindi rin umano sila mag-iimpose ng penalty sa mga nahuling magbayad hanggang sa itinakdang petsa bilang pakikiisa nila sa naging pinsala ng bagyong Tisoy.
Nanawagan ito sa publiko ng ibayong pag-una kung hindi pa naabot ng kanilang mga linemen. Dapat din umanong tumulong ang mga mamamayan maging ang mga barangay officials upang linisin ang mga nakahambalang kahoy sa mga kable ng kuryente sa kanilang lugar. Sinisiguro umano nilang maging ligtas ang mga residente sakaling maikonek ang kuryente sa kanilang mga lugar.
Habang sinusulat ang balitang ito umabot na sa Barangay Calatagan, Cavinitan at bahagi ng Bigaa ang kuryente sa bayan ng Virac. Aniya mabilis na napailawan hanggang sa mga barangay ang mga bayan ng Pandan at Caramoran dahil hindi lubhang napinsala ang kanilang mga linya ng kuryente. (Ulat ni Ferdie Brizo)