BATO, CATANDUANES – Kinumpirma ng First Catanduanes Electric Cooperative (FICELCO) Inc ang posibilidad na muling danasin ng buong lalawigan ang malawakang brownout sa mga darating na araw kaugnay ng nakatakdang pag-alis ng National Power Corporation (NPC) bilang isa sa dalawang power supplier ng kooperatiba.
Sa liham na inilabas ni FICELCO General Manager Engr. Raul Zafe, inamin niyang ibinasura na ng NPC ang FICELCO Board Resolution na humihiling na mai-renew nito ang Power Supply Agreement sa FICELCO.
“But in a January letter, the NPC has informed us of their decision not to extend or renew the Agreement,” “While we respect its decision, we are now faced with the possible power shortage during the dry season that usually extends until the month of September,” ayon kay Zafe.
Ang power demand ng Catanduanes ay umaabot sa 13.5 Megawatts. Sinasabing 4.6MW dito ang isinu-supply ng NPC mula sa kanilang Daihatsu Power Genset gayundin sa kanilang hydro power plant. Ang natitirang 8.9MW ay isinu-supply naman ng SUWECO mula sa mga hydro power plants nito at gensets. Sa pag-alis ng NPC, mawawala ang 4.6MW, samantalang maaring bumagsak pa ang 8.9MW na supply ng SUWECO pagdating ng dry season kung saan hindi gaanong nagiging operational ang kanilang hydro power plants kaugnay ng low water levels.
“Power shortage in the coverage areas will be experienced, resulting once again to the implementation of rotational brownouts or load shedding,” paglalahad ni GM Zafe.
Samantala, ang FICELCO ay nakapagsimula na sa pagsasagawa ng Competitive Selection Process (CSP) para mag-imbita ng iba pang power suppliers para sa koop. Ngunit hindi madali ang prosesong ito na kung minsan ay taon ang lumilipas bago maisakatuparan ang bago at dagdag na power suppliers.
Sa ngayon, nag-apela ang FICELCO sa matataas na opisyal ng probinsiya na matulungan sila na maihatid pa rin sa mahigit 51,000 consumers ang quality, reliable at affordable supply of power maging sa summer season. Sa kabilang dako, nagpahiwatig naman ng kahandaan ang SUWECO na saluhin ang iiwanang power volume ng NPC. “SUWECO is ready to provide more power sources to ensure power deficit is met. We just need to be informed through a request letter from FICELCO and we will gladly take full responsibility,” ayon kay SUWECO Spokesperson Lorenz Rojas. (Ramil Soliveres)