VIRAC, CATANDUANES – Hawak na umano ng otoridad ang dalawang mahahalagang saksi para sa posibleng pagkalutas sa pagpaslang kay Samuel Besa, Jr. noong nakaraang linggo.

                Kasabay nito, kinumpirma ng Virac PNP na nasa kanila na rin umanong kustodiya ang CCTV recordings na ngayon ay naipadala na nila sa Regional office for review.

                Bagaman hindi binanggit ng pulisya ang mga impormasyong hawak ng dalawang lumutang na saksi, naniniwala silang malaki umano ang magagawa nito upang umusad ang kanilang imbestigasyon. Ganoon pa man, patuloy ang panawagan ng otoridad sa publiko na makipagtulungan para sa mabilis na ikalulutas ng kaso.

                Matatandaang, pasado ika-sampu ng gabi noong Pebrero 8, 2020 nang ratratin ng riding in tandem sa mismong harapan ng kanilang tahanan sa Barangay Salvacion ang 34 anyos na si Samuel Besa, Jr na mas kilala sa tawag na Tamenz.

                Pitong basyo ng bala mula sa hindi pa nadi-determinang riple ang narekober ng pulisya sa lugar na pinangyarihan. Gayunman, isang bala lamang ang tumama mula sa likod ng katawan ni Tamenz na naging sanhi ng agad nitong pagkamatay.

                Kwento ni Sammy Besa, Sr., ang ama ng biktima, kitang-kita umano niya ang ginawang paghabol ng riding in tandem sa kanyang anak na nakasakay din sa motorsiklo. “He was shot two times sa may kanto pa lamang ng Blossoms, pero hindi siya tinamaan and he was able to manage to escape pero hinabol nga siya habang pinapaputukan. Before my son reached the Chapel, bumulagta na siya.”

                Una rito, riding in tandem na may ganoon ding armas ang tumapos sa buhay ng Kuya ni Tamenz na si Daxx Besa. Binaril ito habang nasa loob ng sariling sasakyan noong gabi rin ng December 17, 2019 sa nasabing barangay. Hanggang ngayon, nananatiling unsolved ang Daxx murder.

                Sa pagkakapaslang kay Daxx Besa, lumutang ang teorya na droga ang motibo ng pagpatay. Si Daxx ay nasentensiyahan sa pamamagitan ng plea bargaining agreement kaugnay sa isang kaso tungkol sa droga. Dahil sa probation kaya nakalaya si Daxx at na-empleyo sa ENRO Office ng kapitolyo.

                Isa pa sa tinitingnang motibo ng pagpatay kay Daxx ay tungkol sa trabaho nito sa ENRO. Ngunit alinman sa dalawang teorya ay walang napatunayan. Walang nakilalang suspek at wala ring naisampang kaso.

                Sa pagkakapatay kay Tamenz, tila namuo ang hinalang droga nga ang dahilan sa pagpatay sa magkapatid. Si Tamenz ay dalawang beses nang na-buybust pero dalawang beses ding nakalaya. Sa pinakahuling kaso ni Tamenz, convicted siya sa RTC pero ibinasura ng Court of Appeals ang desisyon ng nasabing lower court.

                Sa kabila nito, may ibang version ang pamilya ng Besa brothers. Sa inilabas na pahayag ng ama at dating Municipal Councilor Sammy Besa, Sr., hindi umano droga ang dahilan ng pagpatay sa dalawa niyang anak. Ang pagpaslang kay Tamenz ay isa lamang umanong estratihiya upang ma-pokus sa droga ang hinala.

                “We are holding a very sensitive information na siyang dahilan ng mga pagpatay na ito,” ayon kay Mr. Besa. “I know I am the next target, or my last son.”

                Binanggit ni Mr. Besa ang tungkol sa isang tituladong property sa barangay ng Sipi sa bayan ng Bato. Isa umano itong quarry site na ipinamana na niya kay Daxx.

                Pumapasok din umano bilang ‘related incident’ ang nangyaring panghaharang sa mag-asawang nakatakda sanang mag-participate sa isang bidding process sa DPWH. Kung ano ang kinalaman ng pangyayaring ito ay hindi pa malinaw na naihayag ng informant ng pahayagang ito.

                Kaugnay sa mga banta na patuloy na tinatanggap ng pamilya Besa, nag-desisyon ang ama na huwag na ring papuntahin sa Catanduanes ang nalalabing anak na lalaki na si Jerome Besa. “Lalo ang banta ay uubusin daw kami.”

                “I have nowhere to hide. The police cannot protect us anymore,” ayon kay Samuel Besa, Sr. (RAMIL SOLIVERES)

Advertisement