VIRAC, CATANDUANES – Walo hanggang labing-apat na taon ng pagkakakulong ang hatol na ibinaba ng husgado laban sa nagbitiw na alagad ng batas matapos itong mapatunayang nagkasala sa tangkang pagpatay (frustrated murder).

Araw ng mga Puso nang basahan ng hatol si resigned PO1 Vincent Tacorda kung saan maliban sa penalidad ng pagkakabilanggo ay pinagbabayad din siya ng korte ng 25 Thousand exemplary damages, 50 Thousand moral damages at 100 Thousand bilang actual damage sa biktimang si Samuel Rojas ng Viga.

Magugunitang Agosto 10, 2016 sa barangay San Jose ng Viga nang barilin ang DepEd personnel na si Rojas ng noo’y hindi pa nakikilalang salarin. Nagtamo ng isang tama ng bala ang biktima ngunit nakaligtas sa kamatayan.

Ang insidente ng nasabing pamamaril sa DepEd personnel ay naganap sa kasagsagan ng Oplan Tokhang at batay sa hindi malinaw na pangyayari sa pamumuno noon ni PSSUPT Jesus Martirez bilang PNP Provincial Director ng Catanduanes, umalma si Tacorda at isiniwalat ang ilang katiwalian sa hanay ng PNP Catanduanes. Kabilang sa mga naihayag ni Tacorda ang umano’y Order ni Martirez na magkaroon ng ‘accomplishment’ sa Tokhang.

Sa naging panayam ng pahayagang ito kay Tacorda noong 2016, naisalaysay niya ang isinagawang bigong pamamaril sa Tokhang target, na kalaunan ay na-established na walang iba kundi ang biktimang si Samuel Rojas.

Kaugnay ng sariling mga pahayag, nasampahan ng nasabing asunto si Tacorda.

Sa pag-usad ng pagdinig, lumabas ang mga impormasyon at detalye kung paano pinag-planuhan at isinakatuparan ni Tacorda ang tangkang pagpatay.

Sa desisyon ng RTC Branch 42, walang kaduda-duda ang commission ng nasabing akusado para sa nasabing krimen ng frustrated murder. Kasunod nito ang pagbaba ng hatol para sa dating pulis. (RAMIL SOLIVERES)

Advertisement