VIRAC, CATANDUANES – Tagumpay ang lokal na pamahalaan ng Catanduanes kasama sampung (10) munisipyo matapos pumasa ang mga ito sa  prestihiyusong  Seal of Good Local Governance (Good Financial Housekeeping) para sa 2019 SGLG evaluations.

                Kasama sa mga awardees ay ang mga bayan ng  Virac, San Andres, Caramoran, Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga, Bato, San Miguel at Gigmoto.

                Mula sa sa labing isang bayan (11),  ang bayan ng Baras lamang ang hindi lumusot samantalang pasok naman ang bayan ng Virac sa  ikalawang magkakasunod na award para sa 2018 at 2019.               

                Ang SGLG ay unang itinatag noong panahon ni DILG Sec. Jesse Robredo na naglalayong kilalanin ang pagsisikap ng bawat local government unit para sa maayos na pangangasiwa ng lokal na gobyerno. Sa ilalim ng SGLG ay ang core elements na kinabibilangan ng Good Financial Housekeeping, Disaster Preparedness at Social Protection. Ngunit sa mas pinalawak na saklaw ng SGLG Award, idinagdag ang assessment sa mga area ng Business Friendliness and Competitiveness, Environmental Management at Peace and Order.

                Ang Good Financial Housekeeping ay kumikilala sa LGU tungkol sa maayos na pangangasiwa ng pananalapi kabilang ang transparency, financial disclosures at iba pa na may kaugnayan sa pamamahala sa kaban ng bayan.

                Matatandaang, sa panahon ni dating Governor Araceli Wong, naging grand slam winner ang Catanduanes sa SGLG kung saan nabuksan para sa Catanduanes ang pondo ng national government para sa malalaking proyekto para sa probinsiya.

                Samantala, itinuturing na isang malaking accomplishment ni Acting Governor Shirley Abundo ang pagkakapasa ng Catanduanes sa Financial Housekeeping. Ayon sa kanya, ito umano ay patunay na sa loob ng isang taon ng pangangasiwa sa tanggapan ng gobernador, maayos niyang napapatakbo ang financial concerns ng lalawigan sa tulong ng buong mga department head maging mga empleyado ng kapitolyo.

                Sa pinakahuling ulat ng DILG pasado ang anim (6) na lalawigan sa buong rehiyon kasama ang pitong (7) lungsod and pitumput apat (74) na bayan sa Bicol Region ang pumasa para sa  Good Financial Housekeeping standards. Kapansin-pansin na tanging ang bayan ng PIO Corpuz lamang mula sa 20 munisipyo sa Masbate ang pumasa kasama ang isang lungsod at probinsya.  Ang Good Financial Housekeeping ay may layuning kilalanin ang mga LGUs na merong magandang financial transparency. (RAMIL SOLIVERES/PATRICK YUTAN)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.