VIRAC, CATANDUANES – Pansamantalang ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes ang pagpasok ng mga kataying baboy, karneng baboy at iba pang pork by-products.

                Sa inilabas na Executive Order ni Acting Governor Shirley Abundo noong Pebrero 27, inilahad nito ang mga dahilan ng naturang hakbang.

                Ayon kay AGov Abundo, masyadong malapit ang African Swine Flu (ASF) affected province kaya makabubuting maghanda ang lalawigan upang maiwasan ito.

                 Magugunita na noong Feb 20, 2020 nang kumpirmahin ng Department of Agriculture (DA) sa Bicol ang presensiya ng ASF mula sa bayan ng Bombon sa Camarines Sur kung saan nagpositibo sa naturang sakit ang hindi bababa sa 85 na baboy na isinailalim sa pagsusuri. Kasunod nito, ang pagdi-deklara ng nasabing probinsiya ng Red Alert status dahil.

                Kaugnay nito, inalerto ni Abundo ang activation ng ASF Task Force simula sa probinsiya, munisipyo at mga barangay. Ipinapa-imbentaryo rin ng opisyal ang populasyon ng mga baboy sa bawat barangay at tingnan kung ang mga ito ay nagpapakita ng sintomas ng ASF, gayundin i-report ang mga baboy na basta na lamang namamatay.

                Dahil dito, bawal ipasok sa Catanduanes ang buhay na baboy, fresh and frozen pork. Inaatasan din ang mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng kaukulang checkpoints lalo na sa mga pantalan at mga coastal barangay kung saan may mga napapaulat na pagdaong ng mga bangka na may kargang kataying baboy.

                Ang African Swine Flu ay isang uri ng sakit ng baboy na lumabas bago pa pumutok ang kontrobersyal na COVID. Kapag ang isang tao ay kumain ng ASF infected pork, maari siyang magkaroon ng mataas na lagnat, depresyon, kawalan ng gana sa pagkain, pamumula ng tenga, dibdib at mga binti, pagsusuka at diarrhea na maaring magresulta sa pagkamatay. (RAMIL SOLIVERES)

Advertisement