VIRAC, CATANDUANES – Sinampahan ng kasong paglabag sa  Republic Act 9165, Comprehensive Dangerous Drugs Act si dating Kongresman Cesar Vergara Sarmiento sa Department of Justice (DOJ).

                Sa pahayag sa media  ni Maj. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office-5, sinabi  nito na ang kasong isinampa ay batay sa resulta ng pagsisiyasat ng PNP-Virac sa ilalim ni Maj. Bon Billy David Timuat, at Ernesto Tabor Jr., ng Barangay Mayngaway, San Andres, Catanduanes.

            Ang kasong inihain ng pulisya laban sa dating mambabatas ay batay sa testimonya ni Ernesto Tabor, Alyas Entoy na sinasabing may kinalaman siya sa naging transaksyon sa pagitan nina Sarmiento at Isidoro.

                Inakusahan ni Tabor si Sarmiento na tumanggap umano ng PHP20 milyon bilang protection money at nakipagsabwatan sa dating director ng National Bureau of Investigation,  Anti-Narcotics Division na una ng kinasuhan bilang nasa likod ng pagpapatayo at pagpapatakbo ng shabu laboratory sa Barangay Palta Small sa bayan ng Virac.

                Pebrero 26, 2020 nang ihain sa DOJ ang nasabing kaso, at noon lamang Miyerkoles, Marso 11  nang inilahad ng PNP sa Media ang bagong development na ito kung saan iniharap din ang saksi.

                Ayon kay Tabor, milyung-milyong piso ang umano’y tinanggap ng dating kongresman mula sa operasyon ng shabu laboratory. Ito umano ay bilang protection money at campaign funds ng kongresman. Paliwanag ni Tabor, siya mismo kasama si Isidoro ang naghatid ng sampung (10) milyong piso noong Abril 2016 sa umano’y beach house ng kongresista sa barangay ng Igang. Samantalang isa pang sampung (10) milyong piso naman ang umano’y inihatid nila kay Sarmiento noong Agosto 2016.

                Takot umano sa dating kongresman ang pumigil kay Tabor na isiwalat ang pagkakasangkot nito sa shabu lab, lalo pa’t sinasabi ni Tabor na si Sarmiento rin umano ang nasa likod ng pamamaril sa kanya at pagpapadala ng mga korona ng patay noon sa kasagsagan ng kampanya para sa 2019 elections.

                Matatandaang, hindi ito ang unang paglitaw ni Tabor bilang saksi sa nasabing kaso. Una na niyang idinawit ang mga pangalan nina Snooky Imperial ng Albay, Mayor Constantino Cordial ng Caramoan, Camarines Sur, magkapatid na sina Jardin Bryan at Joseph Wong, at marami pang iba. Ngunit ibinasura ng DOJ ang mga isinampang reklamo dahil sa kawalan umano ng matibay na ebidensiya.

                 “Is a proof of the PNP’s commitment to go against illegal drugs personalities, big and small, as part of its relentless pursuit against for a drug-free Bicol Region,” batay sa maikling pahayag ni Catanduanes PNP Provincial Director Paul Abay.

                Sa kabilang dako, bagaman wala pang opisyal na pahayag si dating Congressman Cesar Sarmiento, sinabi niyang isa umanong malaking kalokohan ang pagdadawit sa kanya ni Ernesto Tabor. Sa panayam ng media sinabi nitong hndi niya pa umano nakita personal sina Isidoro at Tabor.  Masasabing politically motivated umano ang naturang kaso. Dagdag pa ng opisyal, sasagutin niya  ang kaso sakaling mabigyan na siya ng kopya. Hinimok din ng dating solon na sumailalim sila sa lie detector test at ng testigo para mapatunayan kung sino ang nagsisinungaling.

                Minaliit naman ni dating gobernador Araceli Wong ang mga bagong salaysay ni Tabor. Ayon sa kanya, ang ginagawa ngayon ni Tabor ay baka umano isang malinaw na pagligaw sa totoong kwento ng shabulab. Ipinahayag din niya ang pagkadismaya sa mga taong patuloy umanong naniniwala kay Entoy. (RAMIL SOLIVERES/PATRICK YUTAN)

Advertisement