PANDAN, CATANDUANES – Isang nurse ang binugbog ng isang konsehal habang naka-duty ito sa Pandan District Hospital (PDH).

Sa salaysay ni Ferdinand Icamen, regular nurse ng nasabing pagamutan, pasado alas sais ng gabi noong Marso 16, 2020 nang dumating sa Emergency Room ang isang pasyente, kasama ang pinsang konsehal ng bayan na si Florestine ‘Bologoy’ Tabligan na kapatid ni Mayor Honesto Tabiligan.

Ayon kay Icamen, inaasahan niya na umano ang pagdating ng pasyente kaya nang makarinig siya ng busina ng sasakyan sa entrada ng ER kaagad umano siyang nagtungo sa lugar habang ipinapakuha niya sa kanilang security guard ang oxygen mula sa ISO room. Paglalahad pa ng  nurse, ang nasabing pasyente ay na-discharge palang dakong alas-dos ng hapon ng kaparehong araw kaya’t alam niya umano ang kalagayan nito nang bumalik pasado ala-sais.

Bagaman nauunawaan niya umano ang worry ng konsehal, hindi umano nagustuhan ni Nurse Icamen ang maangas na asal at pambubulyaw ng konsehal. Dahil dito nakasagot umano na ihiwalay ang kanilang opisina (hospital) sa institusyon o sa tanggapan na (LGU) na kinabibilangan ng opisyal.

Sa kabila umano na na-admit na ang pasyente, patuloy umano siyang pinagsasalitaan ng konsehal at patuloy niya ring nasasagot ito. Hanggang sa sunggaban umano siya nito at sinuntok nang paulit-ulit. Ayon kay Icamen, batay sa CCTV review, walong beses siyang sinuntok ng nasabing konsehal.

Samantala, nagbigay naman ng reaksyon sa naturang pangyayari si Mayor Honesto Tabligan ng nasabing bayan. Ayon kay Mayor Tabligan, kasama rin umano siya sa paghatid sa ospital ng kanilang pinsang pasyente. Aniya, mabagal umano ang naging pagresponde ng emergency room para sa pasyente, at mismong ang mga kaanak pa umano ng pasyente ang naghanap sa nurse on duty at natagpuan umano itong tulog.

Inamin ng alkalde na nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng kanyang kapatid na konsehal at ang nurse. Masyado umanong mabunganga ang nurse, kahit pa umano sa harapan niya bilang alkalde ng munisipyo.

Nang ma-admit na umano ang pasyente, nagpasya nang umuwi silang magkapatid, pero sinusundan umano sila ng liwanag ng flashlight mula sa nurse na nakatayo sa maindoor ng ospital. Ayon sa alkalde, ang ginawa ng nurse at isang sign of provocation,

Kaugnay nito, tumakbo umano ang konsehal at ilang beses na sinuntok ang nurse. Dahil dito,  inawat umano niya ang kanyang kapatid.

Wala umanong balak humingi ng despensa ang mga Tabligan sa nurse. Hayag ng alkalde, masyado umanong arogante ang nurse at hindi iginalang ang kanilang mga katungkulan sa munisipyo.

Sa kabilang dako, nakatakda umanong maghain ng kaukulang demanda ang Pandan District Hospital sa nasabing konsehal. (RAMIL SOLIVERES)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.