BARAS, CATANDUANES – Isang 59 anyos na Person Under Monitoring (PUM) para sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) ang binawian ng buhay noong nakaraang linggo dahil sa atake sa puso.

            Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay  Baras Municipal Health Officer Dr. Ariel Acompaniado, pasado ikalima ng hapon umano noong Marso 26, 2020 nang mai-report sa kanyang tanggapan ang umano’y paghihingalo ng isang lalaking PUM mula sa Barangay ng Sta. Maria. Sa impormasyon, nahihirapan umanong huminga ang nasabing PUM na nasailalim sa home quarantine. Ang akala umano ng mga kaanak ay simpleng hyperacidity lamang.

            Dahil sa sinasabing komplikasyon, sinubukan niya umanong mai-refer ang pasyente sa EBMC ngunit patay na ito nang dumating ang emergency vehicle. Napag-alamang walang available na ambulancia sa RHU dahil naghatid umano ng pasyente sa Tabaco City.

            Ganoon pa man, ipinilit umano ng mga kaanak ng biktima na maibyahe kahit na lang sa Bato Maternity Hospital ang PUM. Katunayan, ayon kay Acompaniado, naisakay na ang PUM sa isang pribadong behikulo.

             “Bawal i-byahe kapag highly contagious ang cause of death kaya ipina-lockdown namin ang buong barangay upang hindi nila mailabas ang bangkay. Dahil kung naidala ito sa BMH, maraming mae-expose at maku-quarantine”, ayon kay Acompaniado, Dagdag pa ng opisyal, kailangan umanong isailalim din sa monitoring at quarantine sa mga nakasalamuha ng pasyente.

            Batay sa travel record ng PUM, dumating ito sa Catanduanes noong March 14, 2020 mula sa Novaliches, Quezon City at ang biktima ay napasama sa halos 240 bilang ng mga PUM mula sa nasabing munisipyo kung saan mayroon din silang naiulat na pitong PUI. Napag-alamang merong 4 na PUM sa naturang bayan na mula sa holy land.

            Sa ilalim ng total lockdown para sa barangay Sta. Maria, nangako umano ang LGU na susuportahan ang mga pamilya na apektado ng nasabing hakbang. Ayon sa MHO, magpapatuloy ang lockdown habang isinasagawa nila ang contact tracing.

            Kinabukasan kaagad inilibing din ang nasabing PUM, at dagdag pa ng MHO, nagsagawa na umano sila ng disinfection or decontamination sa bahay ng PUM.

            Ang PUM mula sa Baras ay ikalawa nang PUM na namamatay sa lalawigan ng Catanduanes. Kamakailan, isang PUM mula sa bayan ng Virac ang una nang naiulat na nasawi sa acute myocardial arrest (atake sa puso) na kapareho din sa kaso sa bayan ng Baras.

            Inihayag  naman ni Acompaniado na hindi pa pwedeng sabihing COVID 19 ang dahilan ng pagkamatay ng pasyente.

            Kasama sa mga sintomas umano ng COVID ay ubo at lagnat na wala naman sa naturang pasyente. Sa kabila nito, kailangan pa rin umanong mag-ingat ang buong barangay dahil kahit hindi kumpirmado sa COVID hindi rin masabi kung may kaugnayan ito sa naturang sakit dahil sa kawalan ng testing kit.

            Isinailalim na sa  total lockdown ang barangay habang ginagawa ng otoridad ang kaukulang precautionary measures. (RAMIL SOLIVERES/FERDIE BRIZO)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.