Virac, Catanduanes – Kinilala ng Sangguniang Panlalawigan ng Catanduanes  ang SK Council ng Barangay  Caraṅgag  sa bayan ng San Andres matapos itong manalo sa “ Search for Most Outstanding SK Response on COVID-19”.

Ang patimpalak ay pinangasiwaan ng National Youth Commission-OCRV at Ang Probinsyano Party list noong Hunyo 29, 2020.

Kaugnay nito, isang resolusyon ang inihain nina  PBM Giovanni Balmadrid at SK Provincial Ex-officio Member Camille Qua na may  titulong “Resolution Congratulating and Commending the Sangguniang Kabataan (SK) of Brgy.Caraṅgag, San Andres, Catanduanes for Giving Pride to the Province of Catanduanes as National Grand Winner to the Recent Search for Outstanding SK Response on COVID-19 Video Report Contest Initiated by National Youth Commission OCRV and Ang Probinsyano Partylist.”

Sa isang makabagbag damdaming video clip isinalaysay ng mga kabataan sa kanilang barangay ang mga inilunsad na tulong sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Kasama rito ang dalawampung (20) programa na may titulong KABATAAN KONTRA KORONA (KKK).

Sa kanilang facebook account, inilahad nila ang mga tampok na kwento “ Ang kuwento ng pakikibaka, pakikipagsapalaran, pakikidigma sa isang kalabang dilat-mata tayong nilulugmok at sinusubok. Nabuo ng higit tatlong buwan, hanggang ngayo’y patuloy na binubuo ng mga bagong bayaning di alintana ang panganib bagkus buong tapang na hinarap ang hamon ng pandemya”.

Kasama sa itinampo ng council ang mga sumusunod: Project Tabang; Adopt-A-Family,   Karamay ko si SK,  SK Mobile Palengke: 50% Off all Items,  Buhay ko, Bahay Kubo: A Home Gardening Project Towards Food Sustainability,  Para Kay Baby; A Project for Baby Care,  Istoryang Kwarantin,,  Guhit ng Pagasa,  SK Oplan Gupit,  Oplan Bantay Checkpoint,  Libreng Karne at Gulay sa lahat, PROJECT SILYAB: THE NEW NORMAL;  ABAKADA: Kariton Klasrum,  Busog Lusog,  Sandata ng Pagasa,  Baon mo, Sagot ko,  Lakbay Alalay, Akbay at  Mulat.

Umani ng positibong reaksyon ang kanilang video clip na siyang pumaimbulog sa mga entries sa buong Pilipinas. Marami ang naantig na damdamin lalo na sa mga nakapanood ng short video kung saan, tampok ang isang may kapansanan na nanay at ang kanyang maliit na anak na siyang sumasalim sa mga saloobin nito at kung papano naitatawid ang pang-araw-araw na pamumuhay sa panahon ng covid-19. Dahil sa husay sa presentation at pamamaraan ng pagtulong ng mga kabataan nakatawag pansin ito sa mga hurado.

Samantala, sa SP nitong 26th regular session, unang ipinanukala sa resolusyon ng dalawang bokal ang insentibong P10,000.00 subalit iminungkahi ni PBM Edwin T. Tanael na itaas ito sa P50,000.00 upang maging inspirasyon ng iba pang kabataan at tularan.

Maliban sa SP,  naimbitahan din ang SK Council  sa 27th Regular Session ng Sangguniang Bayan ng San Andres noong Hulyo 8 ng umaga upang tanggapin ang award bilang National Grand Winner of the Search for Most Outstanding SK Response on Covid-19.

Sa pamamagitan ni Vice Mayor Leo Mendoza at mga kasama nito sa konseho Ang nasabing SK  Council ay nakatanggap din ng  25,000 pesos cash incentive. (Ulat ni Jonie Panti)

Advertisement