VIRAC, CATANDUANES – Hinimok ni TGP Partylist Cong. Jose ‘Bong’ Teves, Jr. ang mga tanggapan ng Department of Energy gayundin ang Energy Regulatory Commission na agarang imbestigahan ang FICELCO at tingnan ang posibilidad ng pagsasa-pribado nito.
Sa liham ni Cong. Teves kina DOE Sec. Alfonso Cusi at ERC Chairman Agnes Vicenta Devanadera, sinabi niyang bago pa siya naging Mayor ng Baras noong 2002 ay umiiral na ang problema sa kuryente ng Catanduanes, kung saan ang power interruptions ay bahagi na umano ng pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan.
Nang maupo umano siyang bise-gobernador, sangkatutak ng imbestigasyon ang ginawa ng Sanggunian sa nasabing problema ngunit mula noon hanggang ngayon ay hindi pa rin umano matapus-tapos ang suliranin ng kuryente sa lalawigan ng Catanduanes. Gayong tinitiyak naman umano ng Power Providers na sapat ang isinu-supply nilang kuryente sa FICELCO, at ayon pa sa power suppliers, ang depektibo at outdated na mga linya ng kuryente ng FICELCO ang umano’y malimit na nagiging dahilan ng power interruptions.
Ayon kay Teves, kung hindi umano mareresolba ang problema sa kuryente, walang patutunguhan ang mga naipundar na industriya sa lalawigan at kalaunan ay ang ekonomiya ng lalawigan ang maaapektuhan.
Kaugnay nito, hinimok ni Cong. Teves sina Cusi at Devanadera na magsagawa ng agarang imbestigasyon at alamin ang dahilan kung bakit hindi reliable, hindi sustainable at hindi efficient ang serbisyo ng kuryente sa Catanduanes. Dagdag ni Teves, lawakan ng DOE at ERC ang pagsisiyasat kabilang na ang posibilidad ng pagsasa-pribado ng kooperatiba kagaya ng ginawa sa ibang lalawigan. (RAMIL SOLIVERES)