Virac, Catanduanes – Pumasok na sa eksena ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) para resulbahin ang issue sa  pagitan ng Sangguniang Panlalawigan ng Catanduanes at broadcaster na si Ramil Soliveres ng 88.7 Radyo Oragon Virac.

            Sa sulat na ipinadala ni PTFoMS Executive Director Undersecretary Jose Joel Sy Egco kay Vice Governor Shirley Abundo, lumalabas umano sa incident report na nakarating sa kanilang tanggapan na ideneklarang persona non-grata si Soliveres batay sa resolusyon na inihain ni PBM Edwin Tanael.

            Dahil dito, hiningi ng opisyal ang atensyon ni Vice Governor Abundo upang mamagitan para sa posibleng dayalogo at maresulba ang naturang usapin sa mapayapang pamamaraan.

            Ayon kay Egco, deneklara bilang bahagi ng national policy ng kasalukuyang administrasyon ang tukuyin at maiwasan ang anumang klase ng banta, byolensya at pag-abuso sa kapangyarihan laban sa mga journalists at media practitioners.

            “ Kindly note that this administration has declared as a a matter of national policy to identify and prevent any forms of threat, violence or abuse of authority against journalists and media practitioners”, bahagi ng sulat ni Usec Egco kay VG Abundo na may petsang Hulyo 29, 2020.

            Nabuo aniya ang PTFoRMS sa pamamagitan ng Executive Order No, 1 na tumatatag ng nationwide national program na may layuning maprotektahan ang buhay, libertad at siguridad ng mga mamamahayag.

            Matatandaang, nag-ugat ang naturang deklarasyon sa dalawang magkasunod na privilege speeches ni Provincial Board Member (PBM) Edwin Tanael ng East District nitong Hulyo 13 at 22 kaugnay sa mga facebook posts ng mediaman sa kanyang account.

            Kasama rito ang impormasyon sa kasagsagan ng pandemya noong Abril 19, 2020  na itinuturing umanong sensitibong usapin hinggil sa isang Catandunganon Covid-19 patient na namatay sa Marikina, subalit pinabulaanan naman ito ng Provincial Health Office (PHO) sa solidarity meeting noong Hulyo 8. Isa umano itong paglabag sa Bayanihan Act hinggil sa pagpapakalat ng maling impormasyon.

            Uminit ang usapin dahil sa isa pang facebook post ng mamamahayag nitong Hulyo 14 na sa halip umanong dumalo sa ipinatawag na committee hearing ay nilapastangan nito ang buong Sangguniang Panlalawigan dahil sa post na may titulong “This is rant”. Ayon kay Tanael, nakakabahala umano ang mga tinuran nito, partikular ang pagtawag sa isang miyembro ng Sanggunian na   “Rabyadong member of the Sanggunian,  honorableng patal at who the hell are you”.

            Sa privilege speech ng bokal noong Hulyo 22,  ibinigay nito ang bola ki presiding officer Abundo ang pagpapasya dahil lubhang nakakabahala umano ang pagiging matapang nito gamit ang freedom of the press na may kaakibat na responsbilidad. Dapat umanong maaksyunan ito upang maiwasan ang posible pang  mapatungkulan na mga government officials ng kaparehong mga nakakabahalang pananalita.

            Nitong Hulyo 27, sinang-ayunan naman ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang inihaing resolusyon ni Tanael na nagdedeklarang persona non-grata si ginoong Soliveres. Dahil dito,  pinagbabawalan itong makapasok sa SP session hall sa loob ng tatlong (3) buwan.

            Sagot ng broadcaster sa pamamagitan ng kanyang facebook account noong Hulyo 30,  sa pagkakadeklara sa kanya bilang persona non-grata ng SP dahil sa malisyusong paratang ng bokal, mananatili umano ang kanyang protesta laban sa naturang deklarasyon.

            Mariing binigyang diin nito na kinondena umano siya ng SP na walang kaukulang due process at mga haka-haka lamang umano ang mga pinagbatayan mula kay Tanael.

            . “ I was Condemned Without Due Process!! Ang kanilang pinagbasehan ay pawang haka-haka lamang, ganyan po naging ka-iresponsable ang ating kinatawan sa Sangguniang Panlalawigan”, paglalahad ni Soliveres.

            “Sabi ni Tanael sila ay mga batikano, but I say, they have miserably failed to observe due process”, pagdidiin nito.

            Samantala, umaasa naman si Usec Egco na mareresulba ang kontrobersiya at magpapatuloy umano sila sa monitoring. Hiningi nito sa bise gobernador ang kaukulang updates hinggil sa naturang usapin. Si ginoong Soliveres ay dating news director ng Bicol Peryodiko na nakilala sa Radyo Peryodiko bilang “Sir Makisig” at ngayon ay nasa kanyang bagong tahanan na Radyo Oragon sa bayan ng Virac.  (Ulat ni Sam Panti)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.