Virac, Catanduanes – Hiniling ng isang konsehal sa Sangguniang Bayan (SB) ng Virac na  i-regulate ng lokal na pamahalaan ang pagdami ng ambulant vendors ng isda at karne sa sentro ng bayang ito.

Ito ang naging laman ng privilege speech ni Konsehal Juan Paolo Sales sa isinagawang 29th regular session ng Sangguniang Bayan noong ika-29 ng Hulyo, 2020.

Ayon kay Konsehal Sales, kapansin-pansin umano na sa panahon ng pandemya patuloy ang pagkalat ng mga ambulant vendors ng isda at karne na inirereklamo naman ng mga lehitimong vendors sa merkado. Bagamat kailangan din umanong mabuhay ang mga ito sa panahon ng pandemya subalit dapat  din umanong nasa lugar ang mga ito.  

Dapat umanong mabigyan din ng protection ang mga lehitimong manininida sa merkado dahil nagbabayad ang mga ito ng buwis sa pamahalaan kumpara sa mga ambulant vendors na walang binabayaran.

Aniya ang pagpapatupad ng regulasyon ay magbibigay proteksyon at seguridad hindi lang sa mga legitimate vendors kundi sa mga mamimili lalo’t ngayon dapat kulang ang movement o ang pagkalat ng mga mamamayan sa mga kalsada dahil sa banta ng covid-19.

Sa interpelasyon, sinang-ayunan naman ni konsehal Karen Sebastian ang puna ni Sales. Aniya, maging sa bahagi ng Moonwalk at iba pang lugar, meron di umanong nagtitinda at ang mga lamang loob ng karne at isda ay hindi man lang nailalagay sa tamang basurahan. Dapat umanong mamantini ang kalinisan o sanidad sa mga barangay.

Samatala, sa panig naman ni konsehal Jose Sonny Francisco, nangyayari umano ito dahil sa halos walong taon ng hindi natatapos ang patrabaho sa merkado na masyadong inconvenient sa mga mamimili na malayo ang parking area. Suhestyon ni Konsehal Reynante Bagadiong na magkaroon ng resolusyon para bigyan ng pansin ng kontraktor at ng alkalde ang fast-trucking ng retrofitting sa merkado para magamit  at mabigyan naman ng pwesto ang mga vendors na ito.

Sa rekomendasyon ni Bise alkalde Arlynn Arcilla, sinabi nitong ipapaabot sa alkalde ang bagay na ito upang maaksyunan sa mas madaling panahon. (Ulat ni Pat Yutan)

Advertisement