Baras, Catanduanes – Kinumpirma ni Municipal Health officer Ariel Acompanado ng Rural Health Unit (RHU) Baras na walong (8) buwang buntis, 39 taong gulang ang pinakaunang COVID-19 patient sa bayan ng Baras.
Sa panayam ng BPTV, kasama umano nito sa quarantine facility ng LGU ang tatlong (3) anak at asawa matapos dumating ito mula sa Sta Mesa, Manila noong Agosto 3.
May mga dala rin umano itong rapid test at unang nagpositibo ang 12 anyos kung kaya isinailalim ito kasama ang ina sa swab test. Subalit sa swab test result ang ina lamang ang nagpositibo at negatibo ang 12 anyos.
Noong Agosto 7, Isanailalim na sa swab test ang labing isang (11) taong gulang at labing apat (14) na taong gulang na mga anak kasama ang asawa.
Nahihirapan amano sila dahil ayaw humiwalay ang magkakapamilya. Gagawan umano nila ng paraan upang ilagay sa ground floor ang ama at mga anak at sa 2nd floor naman ang positibong pasyente.
Sa kalagayan ng pasyente, ayon sa MHO mild na sipon lamang umano ang nararanasan nito at maganda naman umano ang sitwasyon. Inaasahang sa Setyembre 9 umano manganganak ang pasyente.
Muling nanawagan ito sa mga residente na panatilihin ang pagsuot ng mask, social distancing at paghugas ng kamay.
Samantala, siniguro naman si Mayor Paolo Teves na hindi pababayaan ang pasyente maging mga kaanak nito, subalit nag-apela ito ng dasal para sa mabilis ng paggaling ni patient 583 at maging negatibo ang mga kaanak nito. (Ferdie Brizo)