Virac. Catanduanes – Mula sa bayan ng Virac ang ika-dalawampu’t dalawang (22) namatay dahil sa COVID-19 sa Bicol Region at pinakaunang death record sa lalawigan ng Catanduanes.
Sa tracker ng Department of Health (DOH) ang lalawigan ng Albay ang pinakamaraming casualties na merong labing dalawa (12), Cam sur 6, tig-dadalawa naman ang Camarines norte at Sorsogon samantalang, tanging ang lalawigan ng Masbate ang wala pang naiulat na namatay.
Samantala, sa impormasyon Bicol Peryodiko sa pagkamatay ni patient 649 ng Gogon Virac, dakong alas dos (2am) ng madaling araw noong Agosto 15 nang malagutan ng hininga si patient # 649 habang ito ay naka-confine sa Immaculate Heart of Mary Hospital, Inc. (IHMHI).
Si patient 649 ay 65 anyos, babae, vendor sa Virac Public Market, walang travel history at unang nakaramdam ng lagnat noong Agosto 1 kung kaya’t isinugod ito sa pagamutan. Sa medical record, lumalabas na “Acute Respiratory Failure, community acquired Pheumonia HR, Covid-19 ang ikinamatay ng pasyente.
Matatandaang, noong Agosto 8, lumabas ang resulta ng kanyang swab test kasama ang tatlong (3) iba pang nagpositibo sa covid. Kabilang dito ang mag-ama na sina patient 647 at 648 ganundin si patient no. 646 ng Baras.
Dahil dito, kaagad namang binigyan ng direktiba ni Mayor Posoy Sarmiento ang sanitary personnel para tulungan ang pamilya sa proper disposition ng bangkay. Ayon kay Dra. Elva Joson ng Municipal Health Office (MHO) ng Virac, noong araw ding iyon inilibing ang pasyente bilang pagsunod sa estriktong burial protocols ng Department of Health (DOH). Sa polisiya ng kagawaran, dapat sa loob ng labing dalawang (12) oras ay mailibing kaagad ito lalo pa’t walang crematorium sa lalawigan ng Catanduanes.
Matinding pagdadalamhati naman naramdaman ng pamilya dahil namatay si patient 649, isang araw pa lamang matapos mailibing ang namatay na nakatatandang kapatid.
Nilinaw naman ni Mayor Sarmiento na negatibo sa swab test ang hipag nitong namatay. Sa kabila aniyang negatibo ito, ginawa pa rin ng pamilya ang DOH protocols at nailibing sa loob ng reglamentary period.
Ikinalungkot ng alkalde ang pagkakaroon ng pinakaunang casualty sa bayan ng Virac at ipinaabot ang pakikiramay sa mga naulilang pamilya.
Dahil sa naturang pangyayari, muling umapela ang alkalde sa mga mamamayan na seryusong sumunod sa mga health protocols. Dapat aniyang iwasan muna ang mga mga social gatherings, panatilihin ang pagsusuot ng mask, social distancing at paghuhugas ng kamay.