San Andres, Catanduanes – Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlalawigan ng Catanduanes ang pagpapatayo ng ‘Provincial Testing and Clinical Laboratory’ bilang tugon sa kinakaharap na problema sa COVID-19.

Ang resolusyon na may titulong, “An Ordinance Establishing a Provincial Testing and Clinical Laboratory Office and Creating Plantilla Positions Under the Administrative Structure of the Provincial Health Office of the Provincial Government of Catanduanes, and Appropriating Funds Thereof.

Pangunahing layunin ng panukala ay upang pabilisin ang resulta ng mga isinasagawang swab test sa mga suspected patients, maging mga dati ng nagpositibo. Sa ganitong paraan ay mas mapapabilis ang pagtugon ng lokal na pamahalaan sa anumang banta ng covid-19.

Layon ding tugunan nito ang patuloy na pagdami ng covid cases sa  Bicol, kung saan halos hindi na ma-accommodate ng Bicol Regional Diagnostic Laboratory maging ng Bicol Medical Center.

Matatandaang, sa kalagitanaan ng Agosto, naitala ang napakaraming suspected cases sa lalawigan at halos natagalan bago mailabas ang resulta ng mga swab samples, maliban pa sa limitasyon sa pagkuha ng swab sample bawat munisipyo at lalawigan dahil sa kakulangan ng testing kit.

Kinailangan pang dalhin ng DOH Bicol sa Visayas region at iba pang testing laboratory sa bansa dahil sa backlog ng mga dalawang laboratoyo sa rehiyon.

Ayon sa panukala, napapanahon na umano upang maisakatuparan ang pagtatayo ng testing laboratory na pamamahalaan ng lokal na pamahalaan ng lalawigan sa ilalim ng Provincial Health Office (PHO).

Tinalakay ang panukala noong 35th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan noong Septiembre 7, 2020, kung saan kasama sa mga naghain ng akdang ito ay sina Provincial Board Members (PBMs) Dr. Santos V. Zafe, Giovanni A. Balmadrid, Lorenzo T. Templonuevo Jr. Arnel B. Turado, ABC Pres. Carlo Magno T. Guerrero at Edwin T. Tanael.

Sa Juan M. Alberto Memorial (JMA) District Hospital sa bayan ng San Andres, target na pagtayuan nito. Magkakaroon din ng plantilla position sa laboratoryo upang epektibong pamahalaan ng mga kwalipikadong empleyado batay na rin sa Section 76 ng Republic Act No. 7160. (Ulat ni Joni Panti)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.