Virac, Catanduanes – Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang 60 anyos na engineer at negosyante matapos itong pagbabarilin ng riding in tandem sa highway ng Barangay Francia sa bayang ito.

Ang biktima ay nakilalang si Engineer Jesus S. Albaniel, alyas “Jess”, may asawa at nakatira sa Barangay San Isidro Village, Virac.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, habang lulan ng pribadong tricycle ang biktima mula Barangay San Vicente at binabagtas ang kahabaan ng Barangay Francia, nang pagbabarilin ng di pa nakilalang mga salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Ayon sa mga nakasaksi,  tinapatan ng dalawang suspek ang sinasakyan ng biktima at nang makatapat ito sa tagiliran kaagad itong pinaputukan ng ilang beses. Ang mga  suspek ay kapwa naka itim na jacket, naka helmet at nakasuot ng facemask lulan ng isang motorsiklo. Nakuha pa umanong makatakas ng mga suspek patungo sa bahagi ng Santa Elena area.

Ang biktima ay agad dinala sa Eastern Bicol Medical Center (EBMC) ng mga tauhan ng Red Cross Catanduanes para sa atensiyong medikal ngunit idineklara itong Dead on Arrival (DOA) ng sumuring doktor na si Dr. Monisita G. Lacorte.

Batay sa medico legal, ang biktima ay nagtamo ng anim na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na nagresulta sa kanyang pagkamatay.

Kaagad ikinasa ng PNP Virac at Police Mobile Group ang dragnet operation, checkpoint, roadblock at hot pursuit para sa posibleng pagkakahuli ng mga suspek, subalit hindi ito nadakip ng gabing iyon.

Ang Scene of the Crime Operatives (SOCO)ang nangalap ng mga eidensya sa lugar. Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang apat (4) na slug at limang basyo ng bala ng kalibre 45.

Kasama sa mga tinitingnang anggulo ng PNP ay ang issue sa droga, babae at  negosyo. Mas interesado naman ang PNP sa anggulo na other woman ang motibo sa pamamaslang sa biktima kaysa sa droga. (Dindin Tabirara)

Advertisement