Virac, Catanduanes – May inilaang pondo ang Department of Budget and Management (DBM) para sa lalawigan ng Catanduanes na nagkakahalaga ng 143 million sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction fund (NDRRMF).
Ang share ng mga Local Government Units (LGU) ay mula sa Financial Assistance for Typhoon Stricken LGUs dahil sa mga bagyong Quinta at Rolly. Maliban sa Catanduanes, kasama rin ang mga lalawigan ng Camarines Sur, Sorsogon, Albay at Masbate ganundin ang mga lungsod ng Naga at Iriga.
Layon nito upang matugunan ang pangangailangan ng naturang mga lugar matapos birahin ng mapaminsalang bagyong Quinta at Rolly.
Mula sa naturang halaga, P93.297 milyon ay mapupunta sa labing isang (11) bayan samantalang P49,914 milyon para lokal na pamahalaan ng Catanduanes.
Sa breakdown na inilbas ng kagawaran, ang bayan ng Virac ang may pinakamalaking share na umaabot sa P38,034,522, sinusundan ng Viga na merong P10,066,156. Ang bayan ng Bato at San Andres ay may P9,985,000.00 at P9,283,381.00. Ang Baras ay P5,441,365, Gigmoto P4,974,873.00, San Miguel P4,440,279.00, Caramoran P4,239,589, Pandan P3,216,948, Bagamanoc P2,099,124.00 at Panganiban P1,515,937.00.
Samantala, nagkaroon na ng mga pagpupulong ang mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Councils (MDRRMC) sa bawat bayan hinggil sa naturang halaga dahil batay sa ahensya dapat itong ma-idisburse ngayong taong 2020.
Sa bayan ng Virac, inilaan ang halaga sa relief purchases, livelohood ng mga apektadong mangingisda at magsasaka, pagsasaayos ng mga nasirang gusali sa munisipyo at pagbili ng truck para sa paghakot ng basura.
Lubos na nagpapasalamat ang mga alkalde sa kaaragdagang tulong dahil isa umano ito sa makakagaan ng kanilang pasanin lalo’t higit medyo matatagalan bago makarecover ang ilang mga residente na naapektuhan ng bagyo.