Virac, Catanduanes – Bumisita sa lalawigan ng Catanduanes ang tatlong (3) beauty at celebrities upang mamahagi ng tulong sa mga residente na nasalanta ng bagyong Rolly.

            Unang bumisita noong Nobyembre 29  ang Bicolana pride na si Venus Raj na tubong Iriga City at 4th runner-up sa Miss Universe 2010. Tinungo ng beauty queen ang barangay Cagraray,  Bato, Catanduanes at mga karatig na lugar, kung saan pinagkaguluhan ng mga residente.

            Ayon kay Bato Vice Mayor Roy Regalado, tatlong barangay ang nabigyan ng construction supplies para maipagawa ang kanilang mga nasirang bahay. Ito ay mula sa kabutihang loob ng Christ’s Commission Fellowship at CCF TULONG TAYO sa tulong ni 2010 Ms. Universe 4th Runner Up Ms. Venus Raj. Nagkaloob din ng 2,250 pirasong pinturadong yero, mga pako, martilyo, hacksaw, tsinelas at welding machine. Namahagi rin ng 1,500 food packs para sa sampung barangay. Lubos naman ang pasasalamat ng opisyal sa ngayon ng  mga taga Bato sa tulong upang makabangon ang mga Batonhon.

            Ibinahagi ni Venus ang kanyang pagiging Bicolana at nagbigay ng inspirasyon sa mga residente na huwag mawalan ng pag-asa dahil maliban sa pagsikap, ang Diyos din ang may kakayahan kung papano pupunan ang kakakulangan sa oras ng mga pagsubok. Mahalaga umano ay huwag mawalan ng pag-asa sa ganitong mga pagsubok.

            Si Miss Universe 2018 Catriona Magnayon Gray ay bumisita naman noong  Disyembre 5 sa Palnab Del sur sa bayan ng Virac kasama si Philippine Red Cross Chairman Senator Dick Gordon at ang Usaid international representative. Namahagi ito ng P3,500 multipurpose cash grant para sa 353 totally damage houses.

            Sa kanyang mensahe, pinalakas ni Gray ang loob ng mga residente.  Aniya, hindi babangong mag-isa ang Catandunganon sapagkat kasama nila ang Philippine Red Cross na handang tumulong para sa kanilang muling pagbangon.

                “You are not alone in the struggle of rebuilding, we are here to help you. Hindi kayo mag-isa,” bahagi ng mensahe ni Catriona sa harap ng maraming tao. Pinasalamatan din nito si Sen. Richard Gordon na pinuno ng PRC, maging ang USAID at American Red Cross. Binigyang pugay din ng Philippine Red Cross Ambassador ang mga volunteers ng red cross kasabay ng pagdiriwang ng International Volunteer’s Day.

                 Pinagkaguluhan si Gray ng mga residente maging ilang local officials para magpa-selfie sa beauty queen. Si Gray ay Red cross ambassador. Siya ay may lahing bicol dahil ang kanyang ina ay mula sa Guinobatan, Albay.

            Isa pang celebrity ang lumapag sa isla nitong Disyembre 7 sakay ng Air Asia at namahagi ng mga relief goods sa mga mamamayan ng Virac. Si Arci Moñuz na isang sergeant (reservist) ng Philippine Airforce Reserve Command nagdala ng mga relief goods kasama ang mga airforce personnel sa mga barangay ng Sto. Domingo, San Isidro Village at San Vicente.

            Ibinahagi niya sa kanyang instagram ang naging masaya at makahulugang humanitarian mission. Nanawagan siya sa mga nais tumulong na maliban sa temporary relief mas kailangan ng Catanduanes ngayon ang permanent solution dahil sa mga kabahayan na nasira dulot ng malakas na bagyo.

Advertisement