Virac, Catanduanes – Kinumpirma ni Provincial Health Officer Hazel Palmes na hindi nahabol ng Eastern Bicol Medical Center (EBMC) ang deadline sa submission ng mga requirements para mabigyan ng Covid Testing Laboratory ang lalawigan ng Catanduanes.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko sinabi ni Dr. Palmes na manpower at logistic requirements ang kulang kung kayat nahirapang matugunan ng EBMC.
Una nang nagkaroon ng courtesy call sa lokal na pamahalaan ng Catanduanes ang mga personahe ng DOH nitong nakalipas na taon bilang tugon sa pangangailangan ng lalawigan dahil isang isla.
Sa magiging kasunduan, ibibigay ng DOH ang mga testing equipments, subalit ang probinsya ang mangangasiwa o sasagot para sa sahod ng mga magiging empleyado.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng humigit kumulang pitumpong (70) milyon piso mula sa national government para sa taong 2020, kung kaya’t duda si Dr. Palmes kung available pa ang pondo ngayong 2021.
Samantala, sa kabila ng tapos na ang deadline para sa submission, umaasa pa rin ang lokal na pamahalaan na mapagbibigyan lalo pa’t malayo ito sa mainland Bicol. Ayon kay Palmes, pwede rin umanong magre-apply ang EBMC para maisakatuparan ang proyekto.
Una nang ipinanukala ni PBM Santos Zafe sa SP ang pagpapatayo ng covid testing laboratory na puponduhan ng lokal na pamahalaan, subalit hindi ito natuloy dahil sa financial constraints. l BicolPeryodikoNewsUpdate