Caramoran, Catanduanes – Nakatakdang pasinayaan ng lokal na pamahalaan ng Caramoran ang pinakabagong municipal building  na natapos pa lamang ang konstruksyon noong Hulyo 23, 2021.

            Sa panayam ng Bicol Peryodiko sinabi ni Mayor Glenda Aguilar na isasabay ang inagurasyon sa pagdiriwang ng Caramoran Day sa Setyembre 1, 2021 dahil kailangan muna nilang mailipat ang lahat na mga tanggapan sa naturang gusali.

            Aniya, umaabot sa 1,500 square meter ang sukat nito, one-stop-shop na multi-purpose building na merong malaking function hall sa ikatlong palapag na kakayahang maka-accommodate ng dalawang daan katao kahit naka-social distancing pa.

            Sa ikalawang palapag naman ng session hall ng Sangguniang Bayan maging mga tanggapan ng konsehal samantalang ang Mayor’s Office at mga frontline services ay nasa unang palapag.

            Ang bagong gusali ay nagkakahalaga ng 68 milyong piso na naisakatuparan sa pamamagitan ng loan sa Land Bank of the Philippines (LBP) sa panahon pa ni dating Mayor Agnes Popa habang bise alkalde noong si Mayor Aguilar.

            Maituturing na isa sa pinakamalaki at pinakamagandang gusali sa lalawigan ng Catanduanes ang bagong gusali ng Caramoran, kung saan nakadisenyo ito para sa ikaapat hanggang ikalimang palapag.

            Sinimulan ang pagpapatayo ng proyekto taong 2019 habang papatatapos na ang termino ni Mayor Agnes Popa  at itinawid naman ni Mayor Glenda simula nitong Hunyo 2020 at naputol ito noong Nobyembre 2020 dahil sa bagyong si Rolly. Naipagpatuloy umano ang proyekto nitong 2021 at natapos nitong Hulyo 23, 2021.

            Ayon kay mayor Aguilar, kuryente na lamang ang kulang sa gusali at sakaling malagyan na ito pwede na silang lumipat anumang araw mula ngayon.

            Matatandaang, sa pag-upo ni Mayor Aguilar isinailalim sa evaluation ang Herbana Construction na siyang unang nagpatupad ng proyekto. Nagkaroon umano ng findings ang Commission on Audit (COA) at nakitaan ng slippage ang proyekto. Pinagmulta ang konktrator ng humigit kumulang apat na milyon (4M) piso.

            Isinailalim muli sa bidding process ang proyekto na nagkakahalaga ng humigit kumulang 31 milyong piso at napunta ito sa A.V. Laynes Construction.

            Malaki ang pasasalamat ni Mayor Aguilar sa katuparan ng proyekto na matagal ng hinihintay ng mga empleyado na nagtiyaga sa multi-purpose building na ipinatayo ni dating senador Francisco Tatad.

            Aniya maliban sa magiging one-stop-shop na ang transaction sa bagong munisipyo ng mga kliyente magiging convenient pa ito sa publiko dahil kompleto ito sa pasilidad at friendly sa mga may kapansan.

Advertisement