Virac, Catanduanes – Nag-plead guilty ang 42 anyos na tatay sa 161 counts of rape na isinampa laban sa kanya dahil sa panggagahasa ng sariling anak.

                Sa isinagawang arraignment sa sala ni Judge Lelu P. Contreras ng Branch 43 noong Agosto 5, 2021 umamin ang akusado para panagutan ang paratang dahil na rin sa malakas na ebidensyang inilatag ng prosecution.

                Ayon kay Judge Contreras, sa Setyembre 1 pa nakatakdang hatulan ang akusado para ilatag ang parusa laban dito.

                Matatandaang, inaresto ang suspek bandang alas onse trenta (11:30) ng umaga, ika- 1 ng Agosto 2021 sa Bayan ng Gigmoto, Catanduanes dahil sa patong-patong na kaso ng panggagahasa.

Hindi na nakapalag pa ang 42 anyos na panadero na kinilala sa alyas na “Vladimir”,  at residente ng Barangay Sioron, sa Bayan ng Gigmoto matapos na ilabas at ihain ang 161 na warrant of arrest laban sa kanya.

            Ang inisyung warrant of arrest ng RTC-Virac kasong rape ang isinampa sa suspek sa ilalim ng criminal case number 7844 – 8004 kung saan ang biktima ay kanya mismong sariling dugo’t laman. Batay sa warrant walang piyansa para sa lahat ng paglabag.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Gigmoto MPS, naganap ang panghahalay Hunyo ng 2019 hanggang December 2019, Enero ng 2020 hanggang Mayo 2020, Oktubre ng 2020 hanggang Disyembre 2020 at Enero at Pebrero nitong taon na umabot sa 161 counts.

            Malayang nagawa ng sariling ama ang kahalayan sa menor de edad na biktima dahil siya lamang at ang kanyang apat (4) na mga nakababatang kapatid ang magkakasama sa kanilang bahay.

Hindi na nakatiis pa ang bunsong kapatid na lalaki sa mga nasasaksihang pang-aabuso na ginagawa ng kanyang sariling ama sa kanyang ate kung kaya’t nagsumbong na ito noong Pebrero 2021 sa kanyang lola na naninirahan ‘di kalayuan sa kanilang bahay.

            Agad naman ni-rescue ang biktima kasama ang ibang kapatid nito at inilipat sa isang ligtas na lugar habang inihanda ng kapulisan ang kauukulang dukumento para sa pagsampa ng mga kaso.

Dahil sa krimen, si “Vladimir” ay tinagurian bilang Number 1 Provincial Most Wanted Person ng Catanduanes.           

            Bagamat sinabi ng suspek na nagsisisi umano siya sa ginawa, ay nananatiling buo ang pasya ng biktima at ng kapulisan na pagbayarin ito sa kanyang kasalanan.

            Inaasahan namang isasampa pa ang hiwalay na kaso laban sa suspek dahil sa positibong resulta ng medico legal sa bunsong anak na pinaniniwalang biktima rin ng kaparehong krimen, Napag-alamang, anim na taon ng hiwalay ito sa asawa at naiwan sa suspek ang mga anak.

            Samantala, hinihikayat ng pamunuan ng Gigmoto MPS ang mga nakakaranas ng pang-aabuso na huwag mag-atubiling magsubmong sa awtoridad upang mapigilan at agad  maaksyunan ang ganitong mga insidente.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.