Virac, CATANDUANES—Pinasinayaan sa lalawigan ng Catanduanes ang ika-133 Malasakit Center na matatagpuan sa loob ng Eastern Bicol Medical Center sa bayan ng Virac.

            Ang ‘Malasakit Center’ ay itinayo sa layuning makapagbigay serbisyo sa mga mahihirap na Pilipino na nangangailangan ng asistensyang medikal.

            Matatagpuan dito ang apat na ahensya ng pamahalaan na siyang kaakibat na nagbibigay assistance sa mga pasyente partikular ang mga tanggapan ng Philippine Cha-rity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na madalas na tinatakbuhan ng mga indigent patients na kinakapos sa pambayad sa kanilang hospital bills.

            Nasa P3-Million ang inilaang pondo ng pamahalaan para sa Malasakit Center ng Catanduanes na replenishable kada buwan.

            Bukod pa rito merong P20-Million na pondong inilaan ngayong 2021 ang mga principal authors ng Malasakit Center para sa EBMC.

            Pinangunahan ni Gobernador Joseph Cua,  Congressman Hector Sanchez at Capitol town Virac Mayor Posoy Sarmiento ang inagurasyon at iba pang alkalde sa lalawigan habang nagbigay din ng kanyang mensahe  sa pamamagitan ng zoom si dating Presidential Aide at ngayo’y Sen. Christopher Bong Go na siyang may akda ng batas sa senado at TGP Partylist Congressman Bong Teves.

            Kapwa nagpasalamat sina Cua at Sanchez sa katuparan ng center dahil ito umano ang sagot sa matagal ng kahilingan ng mga mamamayan.

            Dahil dito inaasahang magiging malawak ang matutulungan ng center lalo na sa mga mahihirap na pasyenteng walang pambayad sa kanilang hospital bills.

            Ang naturang tanggapan ay naitayo alinsunod sa Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Center Act of 2019. Kasabay nito, isinagawa rin ang raffle ng sampung bisekleta, computer tablets  at iba pa bilang suporta ni Senador Go sa mga frontliners ng EBMC.

Advertisement