Napapanahon na aniya para pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga sports kung saan maaaring mag-excel ang mga atletang Pinoy.
Ito ang naging pahayag ni Camarines Sur 2nd District Representative Congressman Lray Villafuerte sa pagharap nito sa mga kawani ng media.
Aniya, magandang matukoy ng pamahalaan kung saan makikita ang galing ng Pilipinas at kung saan mayroong pagkakataong makakuha ng gold medal sa mga torneyo.
Halimbawa na lamang umano nito ang larangan ng weightlifting kung saan mababatid na dito nasungkit ni Hidilyn Diaz ang first ever glod medal.
Dagdag pa nito, maaari ring bigyan ng atensiyon ng pamahalaan ang boxing at archery kung saan maaaring umabanse sa mga torneyo ang mga atleta ng bansa.
Samantala, tinutulak naman ni Villafuerte na dagdagan pa ang makukuhang pabuya at insentibo ng mga atleta kung sakaling makakuha ng gold medal na magdadala ng malaking pagkilala para sa bansa.
Matatandaang, nagpiyesta ang buong sambayanang Filipino, kabilang na ang mga kilalang celebrities sa pagkapanalo ng tinaguriang “weightlifting fairy” na si Hidilyn Diaz sa ginaganap na 2020 Tokyo Olympics.
Lumikha ng kasaysayan si Hidilyn matapos masungkit ang kauna-unahang Olympic gold medal ng Pilipinas makalipas ang 97 taong paghihintay.
Wagi ang 30-year-old Pinoy athlete na tubong-Zamboanga sa women’s 55-kg weightlifting event kung saan nabuhat niya ang 127kg sa kanyang huling attempt sa clean and jerk para sa kabuuang total na 224kg.
Tinalo ni Hidilyn sa labanang ito ang world-record holder na si Liao Qiuyun (223kg total) mula sa China kung saan ang dalawang final tally niya sa clean and jerk category at ang kanyang overall total ay gumawa ng bagong Olympic records.
At dahil sa nakuha niyang gold sa weightlifting event ay posibleng umabot na sa mahigit P33 million ang kanyang matatanggap na pabuya.
Bukod sa P10 million na ibibigay sa kanya ng pamahalaan (base sa Republic Act No. 10699 ang isang Filipino Olympic gold medalist ay tatanggap ng P10 million, habang P5 million sa silver at P2 million sa bronze), magbibigay din umano ng P10 million pabuya si Ramon Ang ng San Miguel Corporation.
May pledge rin daw na P10 million ang business tycoon na si Manuel Pangilinan sa pamamagitan ng kanyang MVP Sports Foundation at P3 million naman ang pangako ni Deputy Speaker Mikee Romero para sa mga gold medalists at marami pang iba.
Sabi naman ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino sa isang panayam na magbibigay siya ng house and lot sa mga mag-uuwi ng gold medals.
May ilan pang grupo na nangako ng cash incentives para sa mga atletang Pinoy na makakasungkit ng gintong medalya.
Samantala, bumuhos naman ang mensahe ng pagbati sa sikat na sikat ngayong sergeant ng Philippine Air Force mula sa mga Filipino all over the universe, kabilang na nga ang mga kilalang personalidad.
Samantala, nagbunga ang pagtatago ni Hidilyn Diaz ng sikreto nito upang gulantangin ang kanyang mga karibal sa Tokyo Olympics kabilang na ang matinik na Chinese rival nito.
Matamis na nasungkit ni Diaz ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympic Games nang pagreynahan ang women’s 55-kilogram division tangan ang bagong Olympic record.
Matatandaang nagkasya lamang sa ikaapat na puwesto si Diaz sa Asian Weightlifting Championships noong Abril matapos magtala lamang ng 94kgs. sa snatch at 118kgs. sa clean and jerk.
Subalit ginulat ni Diaz ang lahat nang bumanat ito ng 97kgs. sa snatch at 127kgs. sa clean and jerk para angkinin ang gintong medalya.
“Siguro mahina ang tingin nila sa akin. Kasi for how many competition na, ang total ko lang is 214, 215, 212. Hindi nila nakita ‘yung best ko. Nung naglaro na, nabigla sila na malakas na ko,” ani Diaz sa Headstart.
Masaya si Diaz na nagbunga ang lahat kabilang na ang pagtatago nila ng sikreto. Isang Chinese coach ang gumagabay kay Diaz sa ngalan ni Gao Kaiwen.
Naging tikom ang bibig ni Gao sa mga scouting reports kung saan hindi nito sinabi sa Chinese team ang mga rekord ni Diaz sa training.
“Hindi makapaniwala ‘yung China na ganito na ako kalakas. Even si Coach din, hindi niya shinare sa China. Medyo nagalit din ‘yung China sa kanya kasi hindi niya na-share kung ganu na ko kalakas. Sabi ko nga, bakit mo i-sheshare?,” ani Diaz.
Malalim ang karanasan ni Gao na siyang tumulong kina 2008 Beijing Olympics gold medalist Chen Xiexia at 2012 London Olympics gold medalist Zhou Lulu.