Panganiban, Catanduanes – Kinumpirma ni Vice Mayor Remelito Cabrera ng bayang ito na siya lamang mula sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ang hindi sumali sa sinasabing scam na Communication Plan (COMPLAN).

            Una nang nalagay sa kontrobersiya ang Complan, matapos magreklamo ang umaabot sa walong mga naging biktima na naglagak ng pera para kumita subalit hindi naman umano totoo.

            Ikinagalak naman ni Cabrera ang pagtugon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang resolusyon na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa kontrobersiya.

            Kinausap di-umano ni NBI Agent Joey Ajero at mga kasamahan nito noong Biyernes sa loob ng Sangguniang Bayan Session Hall ang aabot sa dalawangpung (20) mga individual mula sa Bayan ng Viga, Panganiban, at Bagamanoc.

            Inihahanda na umano ang affidavit at ibidensiya ng mga nagrereklamo na siyang magiging batayan ng  NBI para pormal na pagsasampa ng kaso. Ayon sa opisyal, hindi umano bababa sa isang (1) milyon hanggang sampung (10) milyon ang binabawi ng mga nagrereklamo. Aniya, kailangan umano ay ang principal o puhunan na lamang dapat ang singilin sa mag-asawang agent na tumakbo na posibleng hindi pa nakakalabas ng Catanduanes.

            Samantala, pinawi naman nito ang sapantala na posibleng abutin ng 100 milyon ang naipalabas na pera mula sa mga residente. Ang sinasabing 100 milyon umano ay ang posible umanong kita at hindi ang actual na naibigay ng mga naging biktima.

            Aniya, hindi pa nagpapakita sa ngayon ang mag-asawang nagpasimula ng sinasabing scam ang sinasabing mag-asawang sina Darius Panti at Maurice Panti.

            SSa kabila nito, isa pang kaparehong negosyo na tinatawag na cryptocurrency trading investment ang inirereklamo ng ilang investors kung saan biktima ang ilang professional kagaya ng pulis, teachers at negosyante. Aniya, nais umanong magsalita ng ilang investor subalit nagdadalawang isip pa sa ngayon.

            Nanawagan si Cabrera sa mga residente na maging maingat sa pagsali sa naturang mga negosyo at kailangan umanong beripikahin kung totoo at kung legal ang operasyon ng mga ito.