Virac, Catanduanes – Kabilang sa listahan ng mga semi-finalists sa Search for Outstanding Government Workers ng Civil Service Commission (CSC) ang dalawang (2) Catandunganon mula sa Department of Education (DepEd) at sa Provincial government ng Catanduanes.

Ito ay sina Supervising Tourism Operations Officer ng LGU Catanduanes Carmel Bonifacio-Garcia at Teacher II  Sherwyne Manlangit ng Cagraray Elementary School sa bayan ng Bato.

Si Manlangit ay napabilang sa sampung (10) semi-finalists para sa Dangal ng Bayan Award samantalang si Garcia ay isa sa limang (5) semi-finalists ng Civil Service Commission, Pagasa Award.

Si Manlangit ay Regional Awardee sa Dangal ng Bayan Award kasama si Febie Templonuevo Soriao na isang Elementary School Teacher I mula sa Bato Central Elementary School.

Batay sa pamantayan, ang Dangal ng Bayan award ay ginagawad sa mga may di matatawarang serbisyo at patuloy na pagpapakita ng pagiging huwaran sa kanilang trabaho. Ito ay nakapaloob sa ‘Eight Norms of Conduct’ ng Republic Act no. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Ang Pagasa Award ay ibinibigay naman sa mga manggagawang may natatanging kontribusyon para sa higit pa sa isang sangay ng gobyerno.

Napag-alaman ng Bicol Peryodiko na si  Manlangit ang isa sa mga brainchilds ng Radyo Eduko na may katangi-tanging sistema ng pagtuturo sa panahon ng pandemya gamit ang radio based instruction sa pamamagitan ng two-way radio.

Gamit ang walkie-talkie epektibong naihahatid ni teacher Manlangit ang mga aralin sa kanyang mga estudyante sa kanilang barangay kahit nasa bahay lamang ang mga ito.

Unang nakapanayam ng Bicol Peryodikotv si Manlangit at na-espatan din ito ng ilang national media kung saan naging viral ang video nito na umani ng maraming papuri. Naging patok ang sistemang ginamit ng guro dahil sa pandemya, kung saan restricted ang face to face teaching.

Kaugnay nito, binigyang pugay ng DepEd Catanduanes sa pamamagitan ni Supt. Susan Collano ang kadakilaan na ginawa ni manlangit maging ni Teacher Soriao matapos makatanggap ng pagkilala mula sa Civil Service Commission kamakailan.

Ayon kay Collano, first time umano itong nangyari na merong nabigyan ng pagkilala ang dalawang guro sa lalawigan sa pamamagitan ng Civil Service Commission. Hinikayat nito ang mga Catandunganon na suportahan ang mga nominees.

Samantala, si Garcia naman ay isa sa mga tourism officers sa rehiyon na aktibong naipapakilala ang mga tourism sites ng lalawigan sa iba pang lugar sa bansa. Isa ang lalawigan sa nagiging paboritong pasyalan bago pa man magkaroon ng pandemya.

Sa kabila ng pandemya, hindi siya huminto sa tourism promotion ng lalawigan sa pamamagitan ng virtual platform.

Ayon sa CSC, bukas ang kanilang tanggapan sa mga feedbacks maging ito man ay positibo at negatibo para sa mga nominees hanggang Setyembre 15, 2021 upang masiguro na karapat-dapat lamang ang mabibigyan ng pinakamataas na pagkilala.

Bukas naman ang CSC sa partisipasyon ng publiko at mangyaring makipag-ugnayan sa sa pamamagitan ng  CSC’s Honor Awards Program Secretariat, Public Assistance and Information Office through email addresses: hapsecretariat@csc.gov.ph, paio@csc.gov.ph, paio.paspd@csc.gov.ph; Contact Center ng Bayan (CCB) SMS at 09088816565 or email@contactcenterngbayan.gov.ph; fax number (02) 8932-0179; and via Facebook: Philippine Civil Service Commission.(Francis Benedict)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.