caramoran, Catanduanes – Kinumpirma ni Lone District Congressman Hector S. Sanchez na lusot na sa Committee on Health ang kanyang panukalang batas na P450 milyong halaga ng hospital naitatayo sa bayan ng Caramoran.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko, sinabi ni Cong. Sanchez na ito ay isang magiging DOH- operated hospital na tatawaging Caramoran Medical Center (CMC) na merong 100-bed capacity batay sa House Bill No. 8262 na kanyang isinusulong.

Nais niya umanong i-donate ang kanilang lupa sa Barangay Toytoy, malapit sa isang gasoline station na hindi kalayuan sa poblacion ng Caramoran. Sakaling hindi umano payagan ng DOH sa naturang lugar, may nakareserba umano siyang pwedeng paglagyan ng proyekto sa bypass road area sa itaas na bahagi ng Poblacion ng naturang bayan.

Panahon na umano upang mabigyan ng kaukulang solusyon ang pangangailangang medikal sa bayan ng Caramoran na may pinakamalaking area at ikatlo sa may pinakamalaking papolasyon sa lalawigan.

Hindi agad umano nabibigyan ng agarang atensyong medikal ang mga pasyenteng Caramoranon lalo na ang mga kritikal na kondisyon dahil lubhang napakalayo umano ng Caramoran sa mga malalaking ospital sa bayan ng San Andres at Virac.

Sadyang napapanahon na umano ang nasabing panukala dahil makatutulong ito upang madagdagan ang mga medical facilities lalo na ngayong COVID-19 pandemic.

Sa kasalukuyan, ang Caramoran Municipal Hospital sa Brgy. Datag na may 10 bed-capacity lamang ang nagbibigay serbisyo medikal sa humigit kumulang 32,114 Caramoranon.

Tatlumpu’t limang (35) kilometro umano ang layo nito mula sa sentro ng bayan kung kaya’t halos sa bayan ng Pandan pa sumasadya ang mga pasyante o sa bayan ng Virac dahil kulang ang pasilidad sa Datag. Pinuri ng solon ang Health Facility Development Bureau (HFDB) ng DOH dahil sa positibong pagtugon sa naturang hakbang.

Sa tanong kung kaya pang habulin ang natitirang buwan bago ang halalan, inamin ng solon na medyo mahaba pa ang pagdaraanang proseso nito dahil aaprubahan pa ito sa plenaryo bago isalang sa senado, subalit naniniwala umano siyang maisasakatuparan ito kung hindi man abutin ng kasalukuyang kongreso pwede namang mai-refile ito sa susunod na termino. (Francis Benedict)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.