Virac, Catanduanes – Kasalukuyang nasa Bohol na ang 16-man team ng FICELCO upang sumaklolo sa pagkukumpuni ng mga nasirang linya ng mga kuryente dahil sa mapaminsalang bagyong Odette.

Alas 4 ng madaling araw noong Disyembre 27 nang tumulak ang labing-anim (16) na linemen patungong mainland bicol kasama ang labing-isang (11) Electric Cooperatives sa buong Bicol Region papunta sa naturang lugar.

Mismong si General Manager  Raul V. Zafe at ang Presidente ng Bicol Electric Cooperative Association (BECA)  ang naghatid sa mga linemen na tinawag na “sundalo ng pailaw” ng FICELCO sa port ng Sorsogon.

Ayon kay GM Zafe, magtatagal ang buong team ng nasabing team sa loob ng 20 araw lamang sa kanilang official travel at posibleng ma-extend pa ito depende sa request ng Bohol Electric Cooperative-II (BOHECO-II).

Bago, tumulak sa Bohol, nagkaroon muna ng isang orientation sa Sorsogon Electric Cooperative kasama ang ibang pangkat ng Bicol tulad ng CASURECO-I, CASURECO-II, CASURECO-III, MASELCO, TISELCO, SORECO-I at ang SORECO-II. 

Bitbit din ng team ang mga donasyon na mga goods na dadalhin sa kanilang pupuntahan na lugar mula sa mga generous na mga residente ng Catanduanes.

Ang pagtungo ng Bicol Cooperative sa naturang mga lugar ay bilang pay-back sa ginawang bayanihan ng mga kooperatiba mula sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa matapos mapinsala rin ang mga linya ng kuryente sa Catanduanes maging iba pang lalawigan sa bicol dahil sa super typhoon Rolly noong Nobyembre 2020.  (Carl Buenafe)

Advertisement