Opisyal na nilunsad ni Vice President Leni Robredo ang kanyang pagtakbo pagka- Pangulo nuong Martes, ika- 8 ng Enero. Pinili ni Robredo na gawin ang campaign kickoff sa kanyang probinsyang Bicol, hindi lang dahil dito siya pinanganak, lumaki, nagka-pamilya, at nahubog ang mga paniniwala sa buhay kundi na rin dito nya nakita na posible pala mapalitan ng maayos na pamamahala ang bulok na sistema ng pulitika.

Ang pagbabago at kaunlaran sa Naga City, ang hometown ni Robredo, ay nagsimula sa mabuting pamamahala ng kanyang namayapang asawa na si Naga City mayor at Interior Secretary Jesse Robredo. “Dito natin naipakita: Ang pag-angat, makakamtan nang hindi dinadaan sa salapi o sa palakasan, kundi sa sama-samang pagpapasya ng landas tungo sa kinabukasan,” aniya. “Kailangang wakasan ang mismong luma at bulok na pulitika na ugat ng mga suliraning dumidiin sa Pilipino.

Ito ang diwa ng ating laban,” sabi ni Robredo sa kanyang talumpati na dinaluhan ng libo libong Nagueños sa Plaza Quezon at pinanood din ng libo libong tagasuporta sa mga online livestream. Para maipatupad ang pagbabagong ito sa Pilipinas, kailangan ay tapat ang Pangulo na nagsisilbi ng tunay sa mga Pilipino.

“At hindi na dapat pinagdedebatehan: Ang pinuno – lalo na ang pangulo – dapat laging nagsasabi ng totoo, dapat sumusunod sa lahat ng patakaran, dapat walang-dudang pinangangalagaan ang kaban ng bayan. Ang pinuno, dapat manguna sa pagiging huwaran; dapat siyang manguna sa pagtatakwil ng palakasan, sa pagsunod sa mga patakaran, at sa pagsigurong mananagot ang mga nanlilinlang sa taumbayan at nagsasamantala sa kapangyarihan,” dagdag ni Robredo.

“Ang gobyernong tapat, tumototoo sa kanyang tungkulin sa taumbayan. Tapat siya sa mismong dahilan kung bakit nilikha ang pamahalaan: Para sa tao.” Ang presidential campaign kickoff ni Robredo ay nagsimula ng 7:30 ng umaga sa Angat Buhay Village sa Lupi, isang relocation site para sa mga pamilya na nawalan ng tahanan dahil sa mga bagyong humagupit sa Camarines Sur nuong 2020.

Para kay Robredo, isa itong magandang halimbawa ng pagtutulungan ng pribadong sektor, mga residente, at isang pamahalaang nakikinig sa taumbayan. Ang Angat Buhay Village ay isa sa mga proyekto ng Office of the Vice President na pinamumunuan ni Robredo. Mula Lupi, si Robredo at ang kanyang mga anak na sina Aika, Tricia, at Jillian, ay tumungo sa Libmanan, Tigaon, Iriga City at Naga City. Higit sa 10 oras ang byinahe ng kanilang motorcade.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.