CatPPO photo

Caramoran, Catanduanes – Kalaboso ang 63 anyos na suspek sa panggagahasa ng dalawang apo nito sa bayan ng Caramoran.

Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa 1,487 counts of rape laban sa suspek. Sa ilalim ng RA 8353 o Anti Rape Law, ang pang-aabusong sekswal sa lalaki man o babae na may edad na 12 anyos pababa ay tinatawag na Statutory Rape at mas pinabibigat nito ang kasong sinampa.

Hiwalay na kaso naman ang 150 counts ng Statutory Rape na may Criminal Case Numbers 9609 hanggang 9758; at 55 counts ng rape na may Criminal Case Numbers 9759 hanggang 9813  ang kakaharapin ng suspek.

Ayon sa ulat, pasado ala una (1:00) ng hapon nang ikasa ng pinagsanib na pwersa ng Caramoran MPS, Regional Intelligence Unit- Provincial Intelligence Team (RIU-PIT) 6 Catanduanes, Criminal Investigation and Detective Group-Provincial Field Unit Catanduanes (CIDG-PFU, Provincial Intelligence Unit (PIU) at Catanduanes 2nd Provincial Mobile Force Company (Cat2nd PMFC) ang police operation sa isang barangay sa Bayan ng Caramoran noong ika-2 ng Marso 2022.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Al”, 63 anyos, may asawa, mangingisda at ang itinuturing na Number 1 Regional Most Wanted Person sa Bicol Region. Nakasaad sa warrant of arrest na inisyu ni Hon Genie G. Gapas-Agbada, Presiding Judge, Regional Trial Court, Branch 42, Virac, Catanduanes ang patong patong na kaso kabilang na ang 900 counts ng Statutory Rape, 382 counts ng Rape.

Sa kaso ng dalawang naging biktima, ang isa ay pinagsamantalahan umano mula sa edad 8 hangang sa mag 13 anyos habang ang pinsan nito na isa ring biktima ay pinagmasantalahan noong siya ay 9 na taong gulang hanggang siya ay mag 12 anyos.

Dahil dito, ang dalawang bata ay kapwa nasa pangangalaga ngayon ng isang safe haven, at binibigyan ng karampatang atensyon at interbensyon upang malayo sa panganib at tulungang mamuhay ng payapa. Sa ngayon ang suspek ay nakakulong sa Caramoran MPS at nakatakdang ipresenta sa hukuman para pagdinig.

DISCLAIMER: Ang mga pangalan ng mga sangkot partikular na ang mga biktima at ibang detalye ay sadyang itinago upang maprotektahan ang kanilang pagkakakilanlan alinsunod sa probisyon na itinakda sa ilalim ng RA10173 o Data Privacy Act of 2012. ## via CATPPO

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.