Sa kabila ng panaka-nakang pag-ulan dulot ng bagyong “Agaton”, hindi nagpatinag ang mga taga-suporta nina Vice President Leni Robredo, kaniyang running mate na si Senator Francis “Kiko Pangilinan, at ng kanilang senatorial slate sa pangangampanya sa muling pagbabalik ni Robredo sa Catanduanes nitong Martes, ika-12 ng Abril.

Dumating ang presidential aspirant sa Virac kahapon, mula pa sa La Union, kung saan siya nagdaos ng grand rally sa umaga. Naghanda ang mga taga-suporta sa Catanduanes ng “Ca10dungan Para Ki Leni: Catanduanes Grand Rally” sa Virac Town Center Metrowalk.

Punung-puno ang venue ng mga taga-suporta na nagdala ng kani-kanilang mga campaign paraphernalias, kabilang ang mga placards, na karaniwan nang bitbit ng mga dumadalo sa kaniyang mga People’s Rally, sa pagnanais na mabasa ni Robredo ang kanilang mga mensahe.

Sa kanyang mga speech, panay ang pasasalamat ni Robredo sa walang pagod at walang sawang pangangampanya para sa kaniya, kay Pangilinan at ang buong slate.

Nangako rin siyang magiging Pangulo ng lahat ng kulay. Pangako ni Robredo, ang kaniyang administrasyon ay parating makikinig sa mga mamamayan at hindi titingnan ang pulitika pagkatapos ng eleksyon sa pagsasagawa ng kanilang obligasyon bilang lingkod-bayan.

Nakipagkita si Robredo sa ilang opisyal ng lokal na pamahalaan, kabilang na kay dating Rep. Cesar Sarmiento na muling tumatakbo sa pagka-kongresista, at Governor Joseph ‘Boboy” Cua at kanyang pamilya.

Kagaya ng mga kalapit-probinsya ng Bicol at Visayas region, nakaranas din ng pag-ulan ang Catanduanes nitong mga nakaraang araw dahil sa bagyong Agaton.

Inilahad ni Robredo sa pamamagitan ng kanyang tweets na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Office of the Vice President (OVP) sa mga lokal na pamahalaan para agarang maipadala ang mga ayuda sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.

Base sa panuntunan ng Comelec, bawal sumali si Robredo sa relief operations para sa mga apektadong pamilya pero taus puso siyang nagpasalamat sa mga volunteers na tumutulong at sinabi niyang ipinagdarasal niya ang kaligtasan ng lahat.

“Maraming salamat sa ating volunteers sa relief operations na isinasagawa sa mga nasalanta ng Bagyong Agaton. Hindi man po ako personal na makasama dahil sa Comelec prohibitions, dasal namin ang patuloy na kaligtasan ng lahat,” tweet ni Robredo. Nakatakdang bumisita si Robredo sa Masbate sa Miyerkules, ika-13 ng Abril, bago magpahinga ngayong linggo para sa Mahal na Araw.

Ngayong araw ng Martes, pumanig na rin kay Robredo ang Ikaw Muna (IM) Pilipinas, na noo’y ineendorso si Manila Mayor Isko Moreno sa pagka-Pangulo.

Sa pangunguna ni Tim Orbos, dating General Manager ng Metro Manila Development Authority, inendorso ng volunteer group na IM Pilipinas aang kandidatura ni Robredo.

“She’s now in the best position to win this for us. Hindi na lang po ito laban ng pink, laban po ito ng lahat na kulay dito sa laban po ng kampanyang ito,” pahayag ni Orbos sa isang press conference.

IM Leni na ang tawag sa kanilang grupo, at gamit na ang hashtag na #AngTagumpayAyMaramingKulay. Sa isang pahayag, nagpasalamat ang tagapagsalita ni Robredo na si Barry Gutierrez sa IM Leni para sa kanilang tiwala at suporta para sa Bise Presidente. “Sabi nga ni VP Leni, ang ating lakas ay galing sa ating pagsasama sa ngalan ng pag-asa.

And we believe that this coming together in shared hope, regardless of the colors we choose to wear, is what will bring victory, not just for a particular candidate on election day, but for the Filipino people over the next six years,” ani Gutierrez. “We trust that in the remaining 27 days, even more will join the people’s campaign, united by their dreams, and hopes, for a better Philippines.” (via Peter De mesa)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.