Caramoran, Catanduanes – Patay ang isang bagitong miyembro ng Cafgu matapos magbaril sa ulo nitong Huwebes Santo sa Bayan ng Caramoran, Catanduanes.

Ang biktima ay nakilalang si CAA Christian Azansa Concepcion, 20 anyos, aktibong miyembro 83rd IB, 9th ID, PA at nakabase sa San Andres, Catanduanes

Ayon sa ulat ng Caramoran PNP, mag-aalas diyes (10:00) ng gabi, ika- 14 ng Abril 2022 nang makatanggap sila tawag mula sa Kapitan ng Barangay Tubli, Caramoran na si PB Melchor Dayta tungkol sa inakala nilang shooting incident sa lugar.

Agad na rumesponde ang mga operatiba ng Caramoran MPS kung saan inabutan ang duguang katawan ng isang lalaki at mga nakahambalang na motorsiklo sa daan.

Batay sa paunang imbestigasyon, binabaybay ng grupo, na pawang mga miyembro ng militar, ang daan mula sa Bayan ng Pandan patungo sa Bayan ng San Andres sakay ng kani-kanilang motorsiklo. Kasama dito si Concepcion, na angkas ng isa sa kanilang grupo.

Sa hindi inaasahang pangyayari ay binunot nito ang sukbit na baril ng kasamahan na siyang nagmamaneho ng motorsiklo at agad nagbaril sa sarili.

Ayon sa driver nito, bago ang insidente, nagkukwento umano si Concepcion tungkol sa pinagdaraanang problema sa pamilya.

Narekober sa lugar ang isang 9mm kalibre ng baril na kargado ng bala, isang basyo at isa pang magazine na puno din bala.

Naisugod pa sa Pandan District Hospital si Concepcion subalit ideneklara dead on arrival ng sumuring doktor. Samantala patuloy pa rin ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente. via CATPPO

Advertisement