Pinabulaanan ni Mayor Sinforoso “Posoy” Sarmiento Jr. ang mga akusasyon hinggil sa umano’y overpricing sa pagbili ng mga fiber glass banca, garbage truck, tractor, issue sa Virac public market at iba pang kontrobersiya na ipinupukol sa kanya ng dating alkalde na si Engr. Samuel Laynes.
Sa panayam ng Radyo Peryodiko maging sa isinagawang press conference, sinabi ng alkalde na lahat umano ay dumadaan sa public bidding ang mga purchases ng kanyang administrasyon batay sa itinatakda ng batas.
Kung meron umanong ebidensya na magpapatunay na nagkaroon ng overpricing sa purchases handa umano niyang harapin ito sa proper forum. Kung may nais magkaso, siya pa umano ang magbibigay ng abogado.
Sinabi ni Mayoralty Laynes na overpriced umano ang mga purchases sa fiber glass boats na nagkakahalaga ng 70,000 bawat isa samantalang nasa 31,000 lamang ang kaparehong purchases ng Tabaco LGU.
Ayon naman sa alkalde, wala umanong ganung purchases ang Tabaco LGU at sakali man umanong mataas ang presyo kumpara sa private purchases, dahil umano ito sa government price. Maging noong bago pa umano siyang alkalde, kinuwestyon niya rin ang sistema ng government price, subalit ipinaliwanag umano ito sa kanya ng mga kinauukulan maging ng COA.
Sinikap niya umanong makabili ng mga fiber glass boats dahil kailangan ito ng mga mangingisda na naapektuhan ng nakaraang bagyo. Kung meron din umanong ibinibigay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) halos picture taking lamang ang kanilang partisipasyon at BFAR mismo ang namimili ng mga bibigyan. Hindi umano kakayanin ng mga mangingisda ang maghintay ng matagal lalo pa’t may mga proseso ito.
Pinabulaanan din ng alkalde na overpriced ang garbage truck maging ng backhoe na nagkakahalagang 5 milyon. Una nang sinabi ni Mayoralty Laynes na kung pagbabasehan umano ang SRP, nagkakahalaga lamang ito ng 800,000 – 1.1M SRP. Sagot ni Sarmiento mayroon umanong nabili ang LGU-Virac na nagkakahalagang 4 milyon pero ito ay dalawang truck at hindi umanong 5 milyon.
Sa issue hinggil sa Virac Public Market, inamin ng alkalde na pinabago niya ang arrangement ng merkado dahil dehado umano ang mga maliliit na mga market vendors na nakadisenyo sa ikalawang palapag samantalang nasa ground floor ang mga malalaking establishments para sa tinatawag na public private partnership.
Una nang sinabi ni Laynes na sa dating disenyo, mga bangko ang pinaglaanan sa ground floor upang makatulong sa income ng merkado para maging mababa ang singil sa mga vendors, kumpara sa ngayon na maliliit ang pwesto at nahihirapang magbayad ang mga ito.
Nilinaw naman ni Sarmiento na walang nagrereklamo sa ngayon dahil ang desisyon hinggil sa presyo ng pwesto, batay umano ito sa pag-uusap ng magkabilang kampo. Ibinatay umano ng local finance committee ang renta sa VTC at mga katabing private establishments at ibinaba pa nila ito para hindi mahirapan ang mga vendors.
Katunayan, pinakinggan nila umano ang hiningi ng grupo na bawasan ng 80% sa orihinal na presyo dahil sa epekto ng pandemya, matapos maibalik ang mga vendors sa kalalgitnaan ng taong 2021.
Binanggit ng alkalde ang ginawang pag-utang sa bangko ng 155 million ng dating administrasyon kung saan bahagi nito’y inilaan sa mga backhoe, heavy equipment na tila aniya papasok na sa construction company ang munisipyo at ang retrofitting ng merkado na umaabot sa 60 milyon. Mula rito’y bumili rin aniya ng lupa sa may runway ang munisipyo bago mag Election 2019 sa halagang 40 million. 30 million aniya ang bank appraisal nito na dinagdagan mula sa pondo ng LGU.
Pinuna ng alkalde ang tila gawaing pag-utang kung saan lumalabas na inadvance ng nakaraang administrasyon ang dapat nilang trabahuhin.
Sa issue hinggil sa mga modules, pinabulaan ng alkalde ang akusasyon ng dating alkalde na tila wala umanong pakialam ang LGU sa paghihirap ng mga teachers. Kung bakit kinailangan pa ng mga itong magsolicit ng mga printers para sa printing ng mga modules.
Tinawag naman ito ng Alkalde na walang katotohanan. Ayon sa kanya, sa katunayan hindi umano siya nakialam sa Special Education Fund. Kabaliktaran umano ito sa dating administrasyon na pinapakialaman ang pondo at inilalagay sa infra ang pondo kagaya ng pagpagawa ng gate ng paaralan.
Ipinagmalaki naman ng alkalde ang umano’y distribusyon ng LGU ng ayuda noong panahon ng pandemya at bagyo. Halos sobra umano sa isang sakong bigas ang kabuuang natanggap ng mga residente at merong pang pang-ulam sa kabila na tingian ang kanilang distribusyon. Dahil umano ito sa kakulangan ng mabibilihan o stock dahil marami rin ang nangangailangang LGU sa mga panahong iyon.
Hindi umano pwedeng ikumpara ito sa bayan ng Gigmoto na merong families na 5,000 at nakapagbigay ng isang sakong bigas dahil maliit ang populasyon kumpara sa bayan ng Virac na merong humigit kumulang 25,000 pamilya
Ipinagmalaki naman ng alkalde ang kanyang ginagawang outsourcing ng pondo mula sa mga kaibigan at mga funding agencies.
Kasalukuyan umanong nagpapatayo ang LGU ng Evacuation Center sa Barangay Cavinitan na nagkakahalagang 60 milyon at Drug Rehabilitation na umaabot sa limang milyong piso.
Sa issue hinggil sa multi-purpose sa Plaza Rizal, sinabi ng opisyal na inuna niya muna ang tumulong sa mga basic services ng LGU kaysa paayusin ang Plaza Rizal na pwede namang ihingi sa ibang tanggapan.
Kasama umano sa kanyang mga inuna ay ang tractor para sa mga magsasaka. Katunayan meron umanong dalawang tractor na libreng naipapagamit sa pag-araro ng mga magsasaka. Malaki umano ang epekto nito sa suplay ng gulay maging palay sa bayan ng Virac na hindi na kailangan pang mag-import kung matutulungan ang mga ito.
Nagkaroon umano siya ng reforestation sa mga barangay kung saan mismong ang mga residente ang nagbebenta ng seedlings sa LGU na siyang itinatanim kumpara sa dating sistema na binibili ito sa mga mayayamang supplier. Malaking bagay rin umano ang monitoring laban sa kriminalidad dahil sa biniling high definition CCTV.
Tuloy-tuloy umano ang kampanya laban sa droga, kung saan naisasabay dito ang pagdeklara sa mga barangay bilang drug cleared barangays ng PDEA at ng PNP sa tulong ng mga barangay officials. Prayoridad din umano ng kanyang pamunuan sakaling bigyan pa ng mandato ang agri-tourism (Rona Prolles/BP news team)