Kinumpirma ni Assistant Regional Director Annie Cortes ng Commission on Election sa Bicol Region na umaabot sa 114 ang nagka-aberyang Vote Counting Machines (VCM) sa rehiyong Bicol samantalang 16 naman ang bumigay sa katatapos pa lamang na halalan 2022.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko at Radyo Peryodiko, sinabi ni Cortes na sa kabila ng mga aberyang ito, masasabi niya umanong ito na ang pinaka-generally peaceful at orderly na halalan na kanyang nasaksihan simula pa noong 2007.
Meron din naitalang pagbagal ng VCM, error at paper jam, subalit naresulba naman kaagad ito ng mga technical personnel. Minimal umano ang numerong ito nasira kumpara noong 2019 na halos marami ang nasirang mga SD card at VCM sa iba;t ibang panig ng rehiyon.
Samantala, sa lalawigan ng Catanduanes umabot din sa walong VCM ang nasira at kaagad umanong naresulba samantalang walang naitalang pagkasira ng SD card.
Ang rehiyon ay binubuo ng anim na lalawigan, kung saan merong 6,666 clustered precincts. Habang sinusulat ang balitang ito, wala namang naitalang mga election related violence sa rehiyon maliban nalang sa massive vote buying na kung saan wala namang nagsumbong sa panig ng PNP.
Ayon kay Cortes, batay sa Article 266 ng omnibus election code hindi umano pwedeng mag-aresto ang PNP sa mga election related incident kung walang warrant of arrest.
Sa tanong kung merong depekto ang naturang batas, ayon kay Cortes, matagal na umanong ito at kailangan na rin umanong amiyendahan ng mga legislators upang masawata ang massive vote buying.
Matatandaang sa panayam ng Radyo Peryodiko kay Atty. Pamela Herrera-Sanchez ng Catanduanes Prosecutor’s Office sinabi nitong regular filing ang proseso ng pagsasampa ng kaso sa vote buying at wala umanong citizen’s arrest. Kailangan dumaan umano ito sa pagpapatala sa blotter ng PNP maging sa barangay bago isampa sa piskalya kalakip ang kaukulang ebidensya maging mga testimonya.
Sa kabi nito, nagpasalamat naman si Cortes sa lahat ng mga election officers maging mga poll watchers na naging bahagi ng matagumpay na halalan. Sa kabila umano ng pagod at hirap, subalit nakakagaan sa pakiramdam na naitawid ang halalan ng mapayapa.