San Andres, Catanduanes – Nagkalasog-lasog ang katawan ng 85 anyos na lola matapos mahagip ng rumaragasang owner type jeep na pagmamay-ari ng First Electric Cooperative (FICELCO).

Batay sa report ng San Andres PNP, dakong alas sais (6:00) nang umaga noong ika-11 ng Hulyo, habang binabaybay ng kulay olive green na owner type jeep na may plakang RMT487 ang kalsada na minamaneho ni Jose Ignacio Jr, 55 anyos, may asawa, area foreman ng nasabing kooperatiba at residente ng Barangay Danao, Baras, Catanduanes, nang mahagip ang biktima sa bahagi ng Barangay Tibang, San Andres, Catanduanes.

Ayon sa dyaber at tatlong sakay nito, iniwasan ng kanilang sasakyan ang motorsiklo sa unahan dahilan upang kumabig ito pakanan at mawalan ng kontrol bago nito tuluyang kainin ang sidewalk. Dito nabangga ang ginang habang nagwawalis sa harapan ng kanilang bahay na kinilalang si Corazon Borre, 85 anyos, biyuda, at residente ng Barangay Tibang, San Andres, Catanduanes.

Isinugod pa sana sa  ospital si Borre ng MDRRMO San Andres subalit hindi na ito umabot ng buhay at ideneklarang “Dead On Arrival” ng sumuring doktor sa JMA District Hospital.

Sa imbestigasyon, lumalabas na nabangga ang matanda nang iwasan ng sasakyan ang sinusundang motorsiklo na biglang kumanan habang pa-overtake rin siya sa kanang bahagi ng kalsada.

“Nahagip ng service ng FICELCO si lola kasi hindi niya napansin n driver na nasa tabing kalsada lang si lola. Naka-focus kasi siya sa sinusundang motor na biglang lumipat sa kanang bahagi ng kalsada. Maliit lang po kasi yung kalsada and yung labas ng bahay ni lola, yung bakod kung saan siya nagwawalis ay halos dikit na sa kalsada kaya nahagip siya,” ani Magno.

Pero ayon kay Magno, hindi na masasampahan ng kaso ang driver ng FICELCO dahil pumayag na sa areglo ang naulilang pamilya ng biktima.

Samantala, poot at ngitngit naman ang naramdaman ng mga kaanak ng biktima dahil sa pagiging raskal ng mga driver na dumadaan sa kanilang barangay. Ayon kay ginang Monina Borre, routine umano ng kanilang ina ang maglinis sa naturang lugar bilang kanyang exercise. Halos wala umano itong naramdamang malalang sakit kung kaya’t malakas pa ito at walang maintenance kahit matanda na.

Nanawagan ito sa mga motorista na maging maingat sa pagpatakbo sakaling nasa tapat ng mga barangay para hindi na maulit ang naturang insidente. (BPnewsteam)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.