San Andres, Catanduanes – Kinumpirma ni Mayor Leo “Nonong” Mendoza ng bayan ng San Andres na aprubado na ng Sangguniang Panlalawigan ng Catanduanes ang Ordinansa para sa fare matrix. Subalit, nilinaw ni Mayor Mendoza na para lamang ito sa loob ng naturang bayan at hindi kasama ang papunta sa bayan ng Virac.
Sa panayam ng Radyo Peryodiko, sinabi ng alkalde na ang naturang fare matrix ay kailangan pang mailathala sa local newspaper of general circulation sa loob ng tatlong magkakasunod na linggo at may plaso pang kinse diyas (15) bago ito tuluyang maging epektibo.
Matatandaang, inirereklamo ng mga pasahero ang mahal na pamasahe sa mga tricycle patungo sa bayan ng Virac vice versa na umaabot sa otsenta pesos (P80) ang bawat pasahero, sa kabila ng normal na ang bilang ng kargang pasahero.
Binigyang diin ni Mayor Mendoza na unwritten fare ang singil ng mga tricycle driver sa biyaheng Virac patungo sa San Andres vice versa dahil hindi pwede itong maregulate ng LGU.
Bawal aniya ang mga tricycle sa national road, subalit dahil halos isa na lamang ang bumabiyaheng jeepney patungong Virac kung kayat tila nakasanayan na ang pagsakay sa tricycle.
Sa pakikipag-ugnayan ng Radyo Peryodiko kay konsehal Joal Cocjin, Committee Chair ng Sanggunian Bayan ng San Andres, magpapatawag umano sila ng dayalogo sa naturang issue para ma-settle ang pasahe sa pamamagitan ng agreement sa mga stakeholders.
Meron na umano silang initial na dayalogo sa mga tricycle subalit para lamang sa mga estudyante ang kanilang ipinakiusap na ibaba sa singkwenta pesos (50) sa halip na otsenta pesos (P80).
Nais din umano nilang maisabay dito ang riding public dahil marami rin umanong nagpapaabot ng ganitong reklamo sa kanilang tanggapan maging mga empleyado.
Nangako naman si Mayor Mendoza na reresulbahin ang naturang issue sa pamamagitan ng komprehensibong dayalogo.
Pwede rin umanong maging option ang territorial boundary na una nang ipinatupad sa nakalipas na mga taon. Sa pamamagitan nito, ihahatid ng mga tricycle ng San Andres sa bahagi ng Cito farm ang mga pasahero at ililipat ito sa tricycle ng Virac vice versa. (Bicol Peryodiko newsteam)