Bicol Peryodiko

Pagkalason, dahilan ng pagkamatay ng mga aso sa Codon San Andres

San Andres, Catanduanes- Pagkalason ang nakikitang dahilan ng pagkamatay ng mga aso maging pusa sa Brgy Codon, San Andres, Catanduanes.

Sa panayam ng Radyo Peryodiko 87.9BP-FM kay Mayor Leo Mendoza, sinabi nitong tinungo mismo niya ang lugar kasama si Punong Brgy Nazareno at konseho nang tumambad sa kanila ang mga patay na aso sa Purok 3, 4 at 5 ng nasabing barangay.

Ayon pa kay Mayor Mendoza, sa kanilang nakalap na ebidensya,  isang lason na  kulay lila na isinabay sa tuna ang kanilang natagpuan sa lugar  na ang nagiging epekto ng lason ay pinahihina at pinangingisay ang aso bago ito mamatay.

 Mistulang sinadya umano ang naturang insidente dahil halos sabay-sabay ang pagkamatay ng mga aso. Sa obserbasyon, ginagawa ang pagpakain sa mga aso bandang alas 10 ng gabi hanggang alauna ng madaling araw.

Sa initial na imbestigasyon lima ang naunang naitalang patay noong Hunyo 12 at nasundan makalipas ang ilang araw na halos umaabot sa labing siyam (19) na aso at isa rito ay pusa.

Pinabayaan muna umano ng mga residente ang unang naitalang namatay ngunit nang madagdagan pa ang mga namatay, gumalaw na ang kanilang barangay officials na ayon sa impormasyon may mga nawawala pa at ang iba ay natagpuang lumulutang sa pier ng codon.

Dahil dito binigyan na nang direktiba ng alkalde ang pwersa ng PNP, kagawaran ng agrikultura at mga opisyales ng barangay maging ang Barangay Tanod na magkaroon ng ronda sa madaling araw upang matukoy kung sino ang nasa likod ng insidente.

Sa kasalukuyan meron na rin umano silang person of interest na posibleng residente rin umano ng nasabing barangay. Ngunit hindi pa tiyak ang kanilang ebidensya kayat patuloy pa rin ang pangangalap at pagsusuri sa mga kuha ng CCTV sa naturang barangay. (Richmon Timuat)

Exit mobile version