Virac, Catanduanes – Maari na umanong maningil ng bagong adjusted fare rate ang mga tricycle drivers sa bayan ng Virac basta meron na ang mga ito ng “fare Matrix” na nakapaskil sa kanilang sasakyan.

Ito ang kinumpirma ni Virac Mayor Sammy Laynes sa panayam ng Radyo Peryodiko.

Sagot ito ng alkalde sa mga tanong kung kelan ipapatupad ang aprubadong resolusyon ng Sangguniang Bayan na pirmado na rin ng alkalde na inilabas nitong nakalipas na linggo.

Ang resolusyon ay ibinatay sa orihinal na ordinansa na nagpapahintulot sa lokal na pamahalaan na magkaroon ng adjustment sa taripa sakaling merong pagtaas o pagbaba sa mga produktong petrolyo batay sa petisyon mula sa riding public o sa tricycle sector.

Nitong nakalipas na buwan ng Setyembre nang magsagawa ng konsultasyon ang Sanggunian Bayan batay sa rekomendasyon ng alkalde upang dinggin ang petisyong inihain ng riding public maging ng tricycle sector.

Matapos ang ebalwasyon nagkakaisang napagkasunduan ng Sangguniang Bayan na magkaroon ng adjustment, kung saan 4 pesos ang itataas sa población mula sa orihinal na fare rate na 10 pesos minimum samantalang 6 pesos naman ang itatas sa mga biyahe papalabas ng población.

Bilang tulong sa transport sector, nakipag-ugnayan umano ang alkalde kay Vice Governor Peter Cua hinggil sa discount card ng Cua group of companies na makakatulong upang maibsan din ang pasanin ng transport sector, maliban pa sa ibinibigay ng ibang kompanya ng petrolyo.

Kaugnay nito, nakiusap ang alkalde sa panig ng transport sektor na ikunsidera muna ang naging desisyon ng lokal na pamahalaan dahil binabalanse lamang nila ang kinakaharap na epekto ng pandemya at unti-unti ng pagbangon ng ekonomiya.

Kung titingnan aniya, mas maigi na ang sitwasyon ngayon dahil marami na ang pasahero kumpara noon na halos isang pasahero lamang ang pinapayagang isakay ng mga ito. Dapat ding ikunsidera at tingnan umano ng mga ito ang sitwasyon ng riding public na parehong umaangal sa patuloy ng pagtaas ng mga pangunahing bilihin sa bansa. (FB)

Advertisement