Muling nanawagan si TGP Party-list Representative Jose J. Teves, Jr. sa Bangko Sentral ng Pilipinas na panatilihin ang paggamit ng Abaca Fibers sa paggawa ng mga peso bill.

Ayon kay Congressman Teves, ang hakbang ng BSP na palitan ang abaca (Manila hemp) ng polymer sa paggawa ng peso bill ay may negatibong epekto sa lokal na industriya ng abaca.

Ang mga opisyal ng industriya at maging ang Catanduanes State University ay una nang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa desisyon dahil ang Bicol Region ay nangungunang producer ng abaca sa bansa, kung saan ang Catanduanes ang malaking maapektuhan.

Sinabi ni Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA) provincial fiber officer Roberto Lusuegro na ang Catanduanes lamang ang gumagawa ng 100 metric tons ng abaca taun-taon, kung saan ang ikatlong bahagi nito ay hilaw na materyales sa produksyon ng peso bills.

Ibinunyag ni Teves sa panayam na ang mga magsasaka mula sa ibang mga rehiyong gumagawa ng abaca ay nag-aalala rin sa pagkalugi kung ang mga papel na papel de bangko ay papalitan ng polymer.

“Since the polymer banknote, particularly the P1,000 paper bill, was introduced, the sale of abaca was affected, considering that the Philippine peso bill is made of 80 percent cotton and 20 percent fiber,” pahayag ni Cong. Teves.

Sa Catanduanes, bumaba ang presyo ng pagbili ng abaca fiber mula P80-P90 kada kilo tungo sa P60 na lamang kada kilo, kung saan lumala ang sitwasyon sa umiiral na maulan na panahon dahil sa hanging amihan sa karamihan ng 11 bayan.

Sinasabing sa Viga, bumagsak ang presyo ng bilihin hanggang P40 kada kilo, kung saan may ilang mangangalakal na tumatangging bumili dahil hindi na natutuyo ng maayos ng mga magsasaka ang hibla.

Sinabi ni Cong. Teves na dapat matanto ng sentral na bangko na ang patuloy na paggamit ng mga paper banknotes, habang hindi kasingtagal ng polimer, ay magiging pinakamainam para sa bansa sa katagalan.

Ikinatwiran niya na kung lilipat ang bansa sa pagbili ng plastik para makabayad ng piso, sa halip na abaca fiber na nagdudulot ng dolyar, mapipilitan itong mag-import ng plastic at makakaapekto ito sa dollar reserves.

“Ang Pilipinas ay maaaring magiging katatawanan ng ibang mga bansa dahil mayaman tayo sa abaca fiber ngunit hindi natin ito ginagamit”, dagdag pa ng opisyal.

Ayon sa ilang market goers sa Virac, ayaw tanggapin ng mga vendors ang plastic na P1,000 bill at mas gusto nila ang lumang bill na gawa sa cotton at abaca fiber.

Noong Nobyembre 2022, naghain ang kinatawan ng TGP ng House Resolution No. 595 na humihimok sa BSP na panatilihin ang paggamit ng abaca fiber sa paggawa ng mga bank notes sa Pilipinas.

Ang panukala ay isinangguni sa House Committee on Banks and Financial Intermediaries. (Patrick Yutan)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.