Virac, Catanduanes – Mariing Pinabulaanan ng pamunuan ng Eastern Bicol Medical Center ang akusasyon na binantaan ng isang doktor at kanilang staff ang isang pasyente na nag-video sa loob ng EBMC Out-Patient.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko, sinabi ni Hospital Chief Dra. Maria Bessie R. Zafe na agad niyang kinausap ang doktor at ang staff upang linawin ang insidente, ngunit mariing pinabulaanan ito taliwas sa pinalabas ng nagrereklamong pasyente na si Ginoong Jun Obusan Torres.

Ayon kay Dra. Zafe, kaya sinita ng doctor ang pasyente dahil ipinagbabawal ang pagkuha ng video sa loob ng ospital, alinsunod sa mga patakaran nito at sa probisyon ng Republic Act No. 10175. Ito umano ay para sa proteksyon ng mga pasyente at kawani, hindi maaaring kunan ng video o larawan ang sinuman sa loob ng ospital nang walang pahintulot.

Dagdag pa ng opisyal,  malinaw ang regulasyon na ito upang igalang ang karapatan sa privacy ng lahat sa ospital.Tinawag niyang kasinungalingan ang mga akusasyon ni Ginoong Torres.

Patuloy aniya ang EBMC sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyo sa kanilang mga pasyente. Aniya, agad na aaksyunan ng ospital ang anumang problema o reklamo.

Hinimok din niya ang publiko na magtungo sa opisina ng EBMC para sa anumang kanilang nais idulog na reklamo. Binuksan din ng EBMC ang kanilang pintuan sa feedback mula sa publiko, na itinuturing nilang mahalagang hakbang upang mas mapabuti pa ang kanilang serbisyo.

“Layunin namin na magbigay ng mahusay na serbisyo sa aming mga pasyente. Ang inyong feedback ay makakatulong para mas mapabuti pa ang EBMC,”bahagi ng mga pahayag ni Dra. Zafe noong Huwebes, Enero 23, 2025.

Sa tanong kung bakit alas dose pa mag-uumpisa ang checkup ng doctor samantalang umaga pa naghihintay ang dagsa ng mga pasyente, ayon kay Zafe, nagkataong iisa lang umano ang doctor na nagduty sa araw na iyon.

Ang mga pahayag ni Dra. Zafe ay ikinadismaya ni Ginoong Jun Obusan Torres dahil hindi na umano ito ang doctor na nakilala niya noon na mabait at may simpatiya sa pasyente.

Matatandaang ibinahagi ni Jun Obusan Torres sa panayam ng Radyo Peryodiko noong Miyerkoles, Enero 22 ang kanyang obserbasyon sa nangyaring sagutan sa pagitan ng ilang pasyente at nurse dahil sa proseso ng pagrerekord ng mga pasyente para sa check-up at ang ginawa niyang pagkuha ng video dahil sa nangyayaring gulo.

Ayon kay Torres, alas-onse ng tanghali nang dumating siya sa ospital upang magpaturok ng anti-rabies dahil kinagat siya ng pusa at ito ang kanyang nadatnan. Ang kanya umanong kinukunan ng video ay ang insidente ng sagutan at hindi ang pribadong buhay ng mga pasyente dahil sa hindi magandang sistema sa akomodasyon ng mga pasyente.

Sa video na pinost ni Torres sa kanyang FB Account, makikita ang isang lalaki na naka-uniform ng kapitolyo, nakikipagtalo sa isang nurse dahil wala umanong nagrerehistro sa mga unang dumating. Ayon naman sa nurse, alas dose pa umano magsisimula ang pagrerehistro bago magsimula ang check-up ng doctor. Kinukwestyon din ni Torres kung bakit hanggang sa bente (20) lang ang pwedeng ma-accommodate samantalang napakarami silang pumipila at ang iba umano ay galing pa sa malalayong lugar na halos alas 7 pa ng umaga dumating.

Dahil sa kanyang pagvideo, sinita umano siya ng doctor.  Basta pinabisto nya sakuya yung si “epe” na alalay daa nya bale guard. Ang sabi ni dra. “Diba mag papa check up ka, sa akin ka dadaan, hindi kita ererespeto”, bahagi ng pahayag ng doctor.  Then si “epe” naman ang sabi sakuya (kainisog ang mukha) “dae ka uya mag pabulong, mara ngani duman kita sa luwas!” (astang nag-aangat nin suntukan).  Then paulit ulit ninda ako pigapilit magpunta sa opisina nin hospital.

Dahil ako tabi lalaki, isi ko na gusto akong suntukon kan gwardiya, gaporma pa ngani siya, maliban kung mabubuwa na siya buda mapalusot…. may mga testigo doon, bahagi ng pahayag ni Jun Torres sa panayam sa Radyo Peryodiko.

 “Napakahirap sa mga pasyente, lalo na sa mga mahihirap, dahil karamihan ng ospital dito sa Catanduanes ay pribado. Ang EBMC na sana’y pampublikong ospital ay tila nagiging semi-pribado na, kaya’t nadidiskrimina sa mga mahihirap,” ani Torres.

Masakit din daw sa kanya nang sabihan siya na huwag magpapagamot dito at tila makikipagsuntukan sa kanya ang guard.

Panawagan naman ni Torres na kailangan pag-aralan din ng EBMC ang kanilang sistema sa pagtanggap ng pasyente dahil maraming pasyente ang galing pa sa mga bundok at pababa sa ospital upang magpatingin, ngunit hindi sila tatanggapin dahil sa problema sa sistema ng ospital, isa itong injustice.

Nananawagan ang ilang sektor na ayusin ang sistema ng ospital at tiyaking maakomoda ang lahat ng pasyente, lalo na’t may sapat na subsidiya at pondo mula sa gobyerno. Binibigyang-diin din ni Torres ang pangangailangan ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan na may tunay na malasakit sa mga pasyente, lalo na sa mga mahihirap.

Aniya, karapatan ng bawat indibidwal na magkaroon ng maayos, abot-kaya, at pantay-pantay na serbisyong pangkalusugan, at nararapat lamang na ito’y maibigay ng isang pampublikong ospital tulad ng EBMC. Pinag-iisipan naman ni Ginoong Torres na magsampa ng kaso sa Sangguniang Panlalawigan o sa Ombudsman para bigyan ng pansin ang akto ng doctor at guard maging ng hospital.  (BP Newsteam)

Advertisement