Virac, Catanduanes – Pinarangalan ng Catanduanes Police Provincial Office (CATPPO) ang iba’t ibang katuwang na ahensiya, stakeholders, at piling tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawang flag-raising ceremony noong Pebrero 24, 2025, sa Camp Francisco Camacho, Virac, Catanduanes.

Pinangunahan ni PCOL Edward D. Quijano, Provincial Director ng CATPPO, ang seremonya at binigyang-diin ang kahalagahan ng pakikipagtulungan at pagkakaisa sa komunidad. Kinilala ang mga sumusunod na organisasyon para sa kanilang mahalagang kontribusyon:

  • 87.9 DZBP FM Radyo Peryodiko, pinangunahan ito ni Station Manager/Publisher Ferdinand Brizo, at News Director Patrick Yutan para sa kanilang natatanging ambag sa pagpapalaganap ng pampublikong kamalayan at pakikilahok. Ang anchor at kolumnistang si Salvador Isorena naman ang tumanggap ng parangal para sa estasyon.
  • Virac Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), sa pamumuno ni Ms. Josephine S. Benavidez, LDRRMO Officer, dahil sa kanilang aktibong partisipasyon sa Palarong Panlalawigan 2025 upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok at manonood.
  • Virac Traffic Management Section, sa pamumuno ni Mr. Rey D. Gualberto, na kinatawan ni Mr. Noel R. Tomes, para sa epektibong pamamahala ng daloy ng trapiko sa panahon ng Palarong Panlalawigan 2025.
  • Virac Fire Station, sa pamumuno ni PINSP Jose Y. Lee Jr., na kinatawan ni FO3 Christine Joy Gianan, para sa kanilang maagap na emergency response measures sa nasabing palaro.

Bukod sa mga ahensya, kinilala rin ang mga natatanging pulis ng CATPPO sa kanilang mahusay na paglilingkod:

  • PLT Arnulfo Sarmiento, Team Leader ng Revitalized Pulis sa Barangay (R-PSB)-Guiamlong, para sa matagumpay na pagsasagawa ng “Kasalang Bayan Hatid ng Kapulisan” sa Brgy. Guiamlong, Caramoran.
  • PSSg Katherine Isorena, para sa pagsasagawa ng 2-Day Capacity Building Seminar na nagpalakas ng inter-agency legal cooperation sa pagitan ng Mobile Force Companies, mga imbestigador ng Municipal Police Stations, at kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
  • PMSG Ludy Lyn I. Mosquerra, para sa matagumpay na pagpapatupad ng OPLAN K.U.P.I.D.O., isang proyekto para sa mas pinaigting na pakikipag-ugnayan sa komunidad.
  • PMSg Milanie R. Diaz, bilang miyembro ng operating team ng Regional Anti-Cyber Crime Unit 5, na nakibahagi sa manhunt operations na humantong sa pagkakaaresto ng isang wanted person.

Ang pagkilalang ito ay sumasalamin sa dedikasyon ng CATPPO sa kanilang adbokasiya: “Stronger T.E.A.M. CATPPO, to Serve the Public Better.” (CatPPO)

Advertisement