Virac, Catanduanes — Tuluyan nang bumagsak ang halos dalawang dekadang paghahari ng makapangyarihang angkan ng Cua sa pulitika sa lalawigan ng Catanduanes matapos ang historicong halalan nitong Mayo 12, 2025.
Dalawang matitinik na lider ang nagpasiklab sa laban—si Dr. Patrick Alain T. Azanza at Atty. Sinforoso “Posoy” Sarmiento upang patumbahin ang magkapatid na Cua na siyang humawak sa pagiging gobernador at bise gobernador, isang makasaysayang inukit sa kapitolyo.
Sa isang dikdikan at nakabibinging botohan, tinuldukan ni Azanza, dating Pangulo ng Catanduanes State University, ang political dominance ni incumbent Vice Governor Peter “Bosste” Cua. Sa bisa ng 76,169 boto, dinikitan at nilampasan ni Azanza ang boto ni Cua na 76,807—isang manipis ngunit makapangyarihang 362 boto ang naging hudyat ng pagguho ng 12 taong pamamayani ni VG Cua sa kapitolyo.
Mula sa pagiging three-termer mayor ng San Andres hanggang sa pagkabise gobernador sa 2022, sinikap ni Cua na ipagpatuloy ang dinastiya, ngunit sa halip, naging saksi ang sambayanan sa kanilang pagbagsak.
Sa kabisera ng lalawigan, Virac, mas malupit ang naging sabog ng pagbabagong pulitikal. Dito, halos nilampaso ni dating Mayor Atty. Posoy Sarmiento ang kasalukuyang gobernador na si Joseph “Boboy” Cua—na umaasang makababalik sa puwesto sa lokal na pamahalaan bilang alkalde. Subalit sa bilangan, 22,645 boto ang kay Sarmiento habang 15,076 lang ang kay Cua—isang malupit na 7,569 boto ang lamang. Hindi rin pinalad ang anak na aspirante bilang konsehal sa Virac na si Jeric “Chino” Cua na pumasok lamang sa ikasampung pwesto.
Sa panayam ng Radyo Peryodiko, ibinuhos ni Azanza ang kanyang damdamin. Aniya, “Ito ang tunay na tinig ng bayan. Walang goons, walang gold, walang guns—kundi tiwala at malasakit ng Catandunganon ang sandata ko.”
Aminado rin siyang siya mismo ang utak sa likod ng kanyang digital campaign—mula sa content, caption, hanggang sa live videos. Ang resulta: milyon-milyong reach, libu-libong shares, at matinding engagement na naging barometro ng galaw ng masa.
“Dama ko ang pag-asa. Hindi ako nagsayang ng oras sa pagpapaliwanag—isinugal ko ang plataporma, prinsipyo, at paninindigan,” dagdag ni Azanza.
Pinasalamatan niya ang kabataan, mga guro, magsasaka, overseas workers, tricycle drivers, at iba pang sektor na lihim na tumaya sa kanyang laban. “Ang tagumpay kong ito, ay tagumpay ng ordinaryong Catandunganon.” Panahon na para taong bayan naman ang makinabang, dagdag ni Azanza. Tinawag ni Azanza ang May 12 na independence day, ibig sabihin Malaya na umano ang mga Catandunganon sa kamay ng mga pulitiko na ginamit ang posisyon sa pansariling kapakanan.
Kabilang sa kanyang mga adbokasiya ang:
✅ Pagpababa ng presyo ng gasolina
✅ Pagtaas ng presyo ng abaka
✅ Pagdurog sa monopolyo ng negosyo sa isla
✅ Reporma sa sistema ng healthcare, lalo na sa EBMC at mga district hospitals
Plano rin niyang ibalik sa DOH ang pamamahala sa EBMC para sa mas episyenteng serbisyo, at itulak ang Friendship Bridge Project na magbubukas sa Catanduanes sa mas malawak na oportunidad sa kalakalan at pamumuhunan.
Samantala, hindi rin nagpahuli si Atty. Posoy Sarmiento, na mariing pinanindigan na ang kanyang pagkapanalo ay biyaya ng Diyos. “Perming inspirado. Ibinigay naming lahat—at ibinalik ito sa amin ng bayan.”
Sa isang emosyonal na pahayag, sinabi niya:“Salamat, Virac. Dati, singular ang relak—ngayon may ‘S’ na. Kaya relaks na. Opisyal nang panalo!” Sa kampanya, ibinida nito ang kampanya ibibigay sa taong bayan ang serbisyo dahil wala siyang negosyo na magkakaroon ng conflict sa tunay na serbisyo publiko.Pinasalamatan ni Sarmiento ang mga Viracnon sa panibagong mandato upang maiangat ang buhay ng mga mamayan at hindi ang laaging nasa kapangyarihan.
Ang halalang ito ay hindi lamang pagbabago ng pangalan, kundi pagbabagong may puso, tapang, at malasakit. (BP NewsTeam)