HITOMA, Caramoran, Catanduanes — Matagumpay na isinagawa ng mga magtatapos na Grade 12 students ng Caramoran School of Fisheries (CSF) ang kanilang Senior High School Culminating Activity noong Marso 18, 2026 sa CSF Multipurpose Hall.

Pangunahing tampok dito ang research presentations at isang makabuluhang seminar-workshop na pinangunahan ng mga alumni at partner institutions.

Pinangunahan ang buong araw na aktibidad ng pamunuan ng paaralan sa pangunguna ni school principal Allan Benoyo, katuwang ang SHS Coordinator na si Renalyn T. Silva, sa pakikipagtulungan ng CSF Alumni Association.

Layunin ng programa na maipakita ang akademikong kakayahan ng mga mag-aaral at maihanda sila sa susunod na yugto ng kanilang buhay—mula kolehiyo hanggang sa mundo ng trabaho at negosyo.

Nagsimula ang programa sa rehistrasyon at sinundan ng pormal na pagbubukas sa pamamagitan ng pambansang awit at panalangin. Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Silva ang mga mag-aaral na sulitin ang mga kaalaman mula sa mga resource speakers at maging aktibo sa buong programa.

Isa sa mga tampok sa umaga ang research presentations nina Elwina Alano ng HUMSS at Jonimae Ermido ng CSS strand, kung saan ipinamalas nila ang kanilang husay sa pananaliksik at kakayahang ipresenta ang kanilang mga natuklasan nang may kumpiyansa.

Sa bahagi naman ng seminar-workshop, ibinahagi ni ginoong Ferdinand M. Brizo, Pangulo ng CSF Alumni Association at faculty ng Catanduanes State University (CatSU), College Humanities and Social Sciences (CHUMSS), ang mahahalagang kaalaman sa Digital Freelancing at Technical Interview Mastery. Tinalakay niya ang mga oportunidad sa online work, pati na ang mga estratehiya sa epektibong pakikipanayam at pagbuo ng kumpiyansa sa sarili bilang paghahanda sa mundo ng trabaho.

Nagbahagi rin ang isa pang CSF Alumnus at negosyante na si ginoong Zaldy B. Bueno ng kaalaman sa Technical Skills–SMAW (Shielded Metal Arc Welding), na nagbigay-diin sa kahalagahan ng technical-vocational skills para sa agarang empleyo. Samantala, si ginoong Eddie Millon, isang CSF alumnus at propesor ng CatSU, ay nagbigay ng inspirasyon sa larangan ng Agri-Business, na naglalayong hikayatin ang mga estudyante na tingnan ang agrikultura bilang isang napapanatiling negosyo.

Itinampok din ang sesyon sa Financial Literacy na pinangunahan ni ginoong Alvin Ibardaloza ng TESDA Cabugao, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng wastong pagba-budget, pag-iimpok, at responsableng paggastos.

Nagbigay kulay sa programa ang mga intermission performances at runway presentation ng Grade 12–Frugality, na nagpakita ng talento at pagkamalikhain ng mga mag-aaral.

Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng closing remarks si Maricel Araujo, habang ipinaabot naman ni Gerard Tuno ang pasasalamat ng paaralan sa mga resource speakers na patuloy na nagbahagi ng kanilang kaalaman sa kabila ng hamon ng tumataas na presyo ng langis.

Ayon sa mga guro at opisyal ng paaralan, ang naturang culminating activity ay hindi lamang pagdiriwang ng tagumpay ng mga mag-aaral kundi isang mahalagang hakbang sa kanilang paghahanda sa mas malawak na mundo. Sa tulong ng mga alumni at katuwang na institusyon, nabigyan ang mga mag-aaral ng praktikal na kaalaman at kumpiyansa upang harapin ang kanilang kinabukasan nang may determinasyon at pag-asa. | via Frank Fernandez | Bicol Peryodiko Integrated News

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.