LEGAZPI CITY — Muling naghari sa boksing ang atleta ng Catanduanes na si Dithrone Subion matapos nitong matagumpay na maidepensa ang kanyang titulo sa U17 44–46 kg category sa Palarong Bicol 2026.

Naitala ni Subion ang panalo matapos nitong pabagsakin sa lona ang katunggali mula sa Naga City sa kanilang laban na ginanap sa People’s Park sa Puro, Legazpi City.

Sa lakas ng kanyang suntok at husay sa depensa, nagawa ni Subion na kontrolin ang laban hanggang sa mapabagsak ang kalaban, na nagbigay sa kanya ng gintong medalya at muling pagkilala bilang kampeon sa kanyang dibisyon.

Dahil sa panalong ito, tiyak na rin ang kanyang puwesto upang muling katawanin ang rehiyon sa darating na Palarong Pambansa.

Matatandaang noong nakaraang taon ay nakapag-uwi si Subion ng silver medal sa Palarong Pambansa 2025 na ginanap sa Ilocos Norte.

Sa kanyang pinakabagong tagumpay, inaasahang mas lalo pang paghahandaan ni Subion ang susunod na pambansang kompetisyon upang makamit ang inaasam na gintong medalya para sa Catanduanes at sa buong rehiyon ng Bicol.

Ulat mula sa Bagwis Catanduanes 🥊🥇

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.