VIRAC, CATANDUANES – Pinangunahan ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade, at mga matataas opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pagpapasinaya sa newly-renovated Passenger Terminal Building ng Virac Airport.

Ang konstruksiyon ng 39M terminal rehab project ay nagsimula pa noong Enero 2016 na naglalayong makapagbigay ng mas maginhawa at modernong serbisyo sa mga pasahero.

Ang proyekto na dapat may inisyal na completion date noong July 20, 2016 ay pansamantalang nasuspinde noong May 23, 2016 dahil sa mga dagdag na retrofitting works sa mga pundasyon ng lumang gusali upang matiyak na ito ay magiging matatag.

Ang proyekto ay muling nasuspinde noong Disyembre 2016 matapos masalanta ng super bagyong Nina ang lalawigan. Ang nasabing pinsala ay nagresulta sa dagdag na pondo sa halagang 4.5M. Hanggang sa ito ay tuluyang mabuo noong Mayo 14,  2018.

Sa bagong state of the art na pasilidad ng Virac Airport, maari na itong mag-accommodate ng hanggang 300 na pasahero mula sa dating 100 lamang. Maluwag, malinis at malamig ang pre-departure area, gayundin ang arrival area.

Kasama ni Sec. Tugade ang kanyang Under Secretary at Assistant Secretary ganundin si CAAP Director General Jim Sydiongco. Nasa nasabing okasyon  ang halos lahat na opisyal sa lalawigan ay dumating din , particular sina  Cong. Cesar Sarmiento, Gov. Joseph Cua, Vice-Gov. Shirley Abundo, mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan, mga alkalde at ilang Sangguniang Bayan members at mga pinuno ng iba’t-ibang national agencies.

Ayon sa kalihim, ang mga proyekto kagaya ng mga paliparan at iba pang himpilan mula sa iba’t-ibang panig ng bansa ay patunay umanong seryuso ang administrasyong Duterte sa pagtataguyod ng connectivity upang maging mas magaan ang buhay ng bawat Filipino.

“When Pres. Duterte appointed his cabinet, he gave us one important directive – ensure that we make the lives of Filipinos comfortable. That is why we continue to build, build, build. We build to enhance connectivity and mobility, not just to improve movement of transportation of people and goods, nor just to improve travel. We do this to enhance the Filipino’s way of life,” ayon sa pahayag ni Tugade.

Matatandaang, nagsimula ang operasyon  ng Virac Airport noong 1946 bilang isang feeder airport. Taon 1947 nang maitala ang kauna-unahang commercial flight sa nasabing paliparan. Naitala rin ang pinakaunang landing ng airbus noong taong   2013. Meron itong kabuuang land area na 18.55 hectares at 1.8 kilometers runway na matatagpuan sa pagitan ng Barangay San Isidro Village at Cavinitan, Virac, Catanduanes (RAMIL SOLIVERES)

 

 

Advertisement