VIRAC, CATANDUANES – Hindi bababa sa walong korona mula sa iba’t-ibang international beauty pageants ang inuwi ng Pilipinas sa loob ng nakalipas na anim na taon.

Ang prestihiyuso at pandaigdigang patimpalak ng kagandahan ay kinabibilangan ng Miss Universe na tinagurian ding ‘the ultimate beauty Olympics’, ang Miss World, Miss International at Miss Earth.

Noong 2013, dalawang korona ang nasungkit ng Pilipinas. Si Megan Young sa Miss World at si Bea Santiago sa Miss International. Noong 2014, kinoronahan si Jamie Herrel bilang Miss Earth. Noong 2015 nang magbunyi ang buong bansa nang makuha ng Pilipinas ang ikatlong korona sa Miss Universe sa pamamagitan ni Pia Wurtzbach, samantalang back-to-back win naman ang Pilipinas sa Miss Earth sa pagkakapanalo ni Angelia Ong noong 2015. Noong 2016 naman nang koronahan sa Tokyo si Kylie Verzosa bilang Miss International. Noong 2017, itinanghal na Miss Earth si Karen Ibasco ng Pilipinas.

At ngayong 2018 sa pamamagitan ng Bicolanang si Catriona Gray, nasa Pilipinas ang korona ng Miss Universe.

Mula taon 1953, pitong beses nang nagpalit ng Miss Universe crown. Ang kauna-unahang korona ay tinawag na Romanov Diadem na pag-aari ng Russian Monarchy. Tanging si Miss Universe 1953 (Miss France) lamang ang nakapagsuot ng koronang ito dahil agad itong binawi ng nasabing monarkiya. Noong 1954 hanggang 1960, ang korona ng Miss Universe ay tinawag na The Star of the Universe na kabuuan ng isang libong black pearls na nakaupo sa solidong ginto at platinum. Naka-insured ang nasabing korona sa halagang 500 thousand US Dollars.

Rhinestone Crown naman ang ginamit sa Miss Universe noong mga taong 1961-2001 at ito ang isinuot nina Gloria Diaz (1969) at Margie Moran (1973).

Noong 2002 hanggang 2007, at mula 2017 hanggang sa kasalukuyan, ang Miss Universe crown ay ang Mikimoto Crown na siyang nakaputong ngayon sa ulo ni Catriona Gray. Ito ay may 500 colorless 30 carats diamonds at 120 South Sea and Akoya Pearls at ito ay nagkakahalaga ng 250 thousand dollars.

Noong 2008, isang espesyal na Miss Universe crown ang ginamit na tinawag na CAO Crown. Tanging si Miss Venezuela ang nakapagsuot nito. Ito ay 18K white and yellow gold na may 555 piraso ng 30 carats white diamonds, 375 piraso ng cognac diamonds, 10 crystals at 19 piraso ng iba’t-ibang hiyas.

Noong 2009 hanggang 2013, ang Nexus Crown ang ginamit sa Miss Universe. Ito ay may 1,371 gemstones na may kabuuang 416 carats. At noong 2014 hanggang 2016, ang DIC Crown ang ginamit sa Miss Universe na ito ay naisuot ni Pia Wurtzbach. Ito ay nagkakahalaga ng 300 thousand dollars na may 311 diamonds, 5 piraso ng Topaz, 198 piraso ng Sapphire, 33 piraso ng crystal, at 220 grams ng ginto.

Advertisement