Dahil sa anim na buwang suspension kay gobernador Joseph Cua, pormal ng ipinalabas ang isang memorandum mula rin sa DILG na nag-uutos kay Vice Governor Shirley Araojo Abundo na maupo bilang acting gobernador ng Catanduanes.
Ipinaalala kay Abundo ng nasabing ahensiya sa batay sa Rule of Succession ay kailangan niyang maupo bilang Acting Governor. At bilang pagtupad dito, agad namang nagpalabas ng kauna-unahang Memorandum si Abundo para sa lahat ng Heads of Office sa buong lalawigan upang ipaalam ang kanyang pag-upo sa posisyong Acting Governor effective January 11.

Amin ni Abundo, masyado umano siyang nabigla sa bilis ng pangyayari at hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin umano siya makapaniwala.

Samantala, sa pakikipag-usap ng pahayagang ito sa mga kinatawan ng tanggapan ni Gov. Cua, hindi nila itinanggi ang natanggap na suspensiyon. Ayon kay Prince Subion, agad naman silang nag-coordinate sa tanggapan ni Vice Governor Abundo para sa posibleng transition. Dagdag ni Subion, ginagawa ng legal team ni Gov. Cua ang lahat ng posibleng magawa upang ma-recall ang Ombudsman Order.

Maging ang tanggapan ng DILG sa lalawigan ay nabigla din sa naturang suspension. Ayon kay DILG Provincial Director Uldarico Razal, siya man umano ay nagulat sa biglang pagdating ng kanyang mga superior para sa ganoong sadya. Gayunman ay kasama siya ng mga opisyal ng DILG sa pagsilbi ng nasabing Order. Ayon kay Razal, ang Ombudsman Order ay magkakabisa sa sandaling matanggap ito ng tanggapan ni Gov. Cua.

Noong Biyernes ng umaga nang dumating sa tanggapan ni Gov. Cua ang mga kinatawan mula sa DILG National, Regional and Provincial Offices upang ihain ang nasabing kautusan ng Ombudsman. Bagaman wala sa kanyang tanggapan ang gobernador, ang Ombudsman Order ay tinanggap ng kanyang Executive Assistant na si Ms. Joy Balbin.

Advertisement